BI at DMW kapit-kamay vs pekeng OECs

Ni NERIO AGUAS

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) at Department of Migrant Workers (DMW) sa mga Filipino na nais na illegal na magtrabaho sa ibang bansa gamit ang pekeng overseas employment certificates (OEC) na hindi makakalusot.

Ito ay matapos na muling magtagumpay ang BI at DMW na maharang ang isang Pinay sa Clark International Airport na gumamit ng pekeng OEC noong nakalipas na Hulyo 18.

Nabatid na naharang ng BI ang 50-anyos na ginang nang tangkaing umalis ng bansa patungong Hong Kong para magtrabaho bilang household service worker kung saan nagpakita ito ng OEC na inisyu umano ng DMW.

Subalit nagduda ang immigration personnel sa OEC kung saan agad na hiningi nito ang tulong ng DMW officer sa nasabing paliparan kung saan natuklasan na peke ang nasabing dokumento.

Nang tanungin, sinabi ng biktima na hindi nito batid na peke ang hawak nitong OEC dahil sa isang kaibigan umano nito ang nagproseso sa OEC nito sa DMW.

Kasalukuyang hawak na ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang kaso ng biktima at inihahanda na ang kaso laban sa supplier ng nasabing dokumento.

Sinasabing ilang beses nang nag-usap ang BI at DMW upang gumawa ng sistema para mapadali ang pag-alis ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at malaman kung peke o hindi ang mga dokumentong dala ng mga pasahero.

Leave a comment