
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ng mga senador na hindi dapat ipilit ng International Criminal Court (ICC) na manghimasok sa bansa lalo na at hindi na miyembro pa ang Pilipinas ng ICC.
Sinabi nina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at Senador Francis Tolentino na hindi dapat na ipilit ng ICC na nasasakupan pa nito ang Pilipinas.
Ayon kay Revilla tahasang tinututulan nito ang mga ulat na maaaring maglabas ang ICC ng mga warrant of arrest laban sa ilang mga halal na pinuno ng Pilipinas.
Dinepensahan nito ang kapwa mambabatas na si Senador Ronald Dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte na kapwa namuno sa kampanya laban sa iligal na droga na siya namang kinikilalang nagbunga sa katahimikan at kaayusan sa mga komunidad.
Aniya, ito ang naging paboritong gamitin na pangontra ng mga nasagasaan, mga kritiko at mga kalaban sa pulitika ni Duterte laban sa kanya.
“Hindi tayo papayag sa malinaw na panghimasok na susubukang gawin ng ICC sa ating bansa. We do not need to remind them that we are a free, independent, and sovereign nation governed by our laws,” paliwanag ng mambabatas.
“Kung mayroong pananagutan, sa batas ng ating bansa dapat managot, hindi sa mga dayuhan,” diin pa nito.
“I am befuddled by the ICC’s pursuit of this obvious baseless persecution while legitimate concerns and crimes against humanity are being perpetrated in other parts of the world as speak,” ani Revilla.
“It is obvious the ICC’s interest here is not justice but something else entirely. Binobomba at pinapatay ang mga sibilyan, guro, mga bata at mga musmos sa ibang panig ng mundo pero si Bato at Duterte ang pinanggigigilan nila,” dagdag nito.
“The ICC, with its patent partiality which is so manifestly politically-motivated, has totally lost its credibility. These bullies are driven by their own selfish interests, and they cannot fool us into thinking that they can discharge justice. Ginawa na nila ito sa iba’t ibang bansa na imbes mabigyang hustisya, ay lantaran nilang binalasubas ang umiiral na batas,” paliwanag ng beteranong senador.
Ipinahayag din ni Revilla ang kanyang pagsang-ayon sa pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ibibigay ng Senado ang proteksyon nito sa mga senador at kailanman hindi isusuko ang integridad at kasarinlan ng institusyon, lalo pa sa mga dayuhang interes.
Payo naman ni Tolentino, dapat na mag-relax nina Duterte at Dela Rosa at hindi dapat matakot sa nais ng ICC.

Giit nito, sa inilabas na dissenting opinion ng ICC, maaaring magamit ito ng Office of the Solicitor General (OSG) upang patahimikin ang ICC.
Aniya pa, sa botong 3-2, pinatunayan lamang ng ICC na hindi nagkasundo ang mga ito dahil sa dalawang mataas ng opisyal nito kabilang ang huwes ay pabor sa Pilipinas.
Sina Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut ng France at Judge Gocha Lordkipanidze ng Georgia ay pumabor sa Pilipinas na wala nang hurisdiksyon ang ICC.
Anila, nakasaad sa Article 127 ng Rome Statute na hindi maaaring igiit na may hurisdiksyon pa ang ICC sa Pilipinas dahil sa taong 2018 pa nang mag-withdraw ito.
Isang taon ang lumipas nang maging epektibo ang pagtalikod ng Pilipinas sa ICC kung saan 2019 naman nang magsimulang pormal na mag-imbestiga ang prosekusyon ng ICC.
