
Ni NOEL ABUEL
Pinarerepaso ng isang senador ang Mental Health Act bunsod ng naitatalang pagdami ng kaso ng pagpapakamatay sa bansa at banta ng mental health pandemic.
Sa inihaing Resolution No. 671 ni Senador Win Gatchalian layon nito na repasuhin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11036 o ang Mental Health Act.
“Dahil nakikita natin ang banta ng pagkakaroon ng mental health pandemic, mahalagang tiyakin ng ating pamahalaan ang pagkakaroon ng sapat na mental health services kasabay ng paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, proteksyon, edukasyon, at kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Gatchalian.
Binigyan-diin ni Gatchalian ang aral na hatid ng COVID-19 pandemic sa pagbibigay prayoridad sa mga pampublikong mental health services sa bansa.
Aniya, bagama’t may ipinatupad na lokal at pambansang programa para sa mental health noong kasagsagan ng pandemya, pinuna ng isang policy brief na inilabas ng De La Salle University noong February 21 na kinakailangan pa ng mga programang ito ang mas maigting na ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang sektor.
Nagpahayag ng pagkaalarma si Gatchalian sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan umakyat ng 74% ang mga insidente ng pagpapakamatay mula 2019 hanggang 2020, kung kailan naitalang pang-28 na pinakamataas na sanhi ng kamatayan ang suicide.
Noong 2019, ang pagpapatiwakal ay pang-39 na sanhi ng pagkamatay sa bansa kung saan mayroong 4,892 na mga naitalang kaso ng pagkamatay dahil sa pananakit sa sarili, mas mataas sa 2,808 na naitala noong 2019.
Sinasabing bagama’t tinatayang may 2,865 na namatay sa suicide noong 2022, umakyat ang average na bilang ng mga namatay sa suicide simula noong sumiklab ang pandemya.
Mula sa pre-pandemic annual average na 2,752 noong 2017 hanggang 2019, umakyat sa 4,085 ang annual average ng mga namatay sa suicide noong 2020 hanggang 2022.
Binigyang diin din ng chairperson ng Senate Committee on Basic Education ang pinsalang idinulot ng pandemya sa mental health ng mga mag-aaral.
Noong School Year (SY) 2020-2021 at SY 2021-2022, lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na may 412 na mga mag-aaral ang namatay sa suicide.
Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography noong Mayo 9, 2023, Sinabi ni Gatchalian na nakatanggap ang National Center for Mental Health ng 3,125 na mga tawag noong 2019, at 700 dito ang may kinalaman sa suicide.
At noong 2020, umakyat sa 11,000 ang bilang ng mga tawag at 2,800 dito ang may kinalaman sa suicide kung saan lalo pang umakyat ang bilang na ito sa 14,000 noong 202.
Nabatid na 5,000 dito ang may kinalaman sa suicide na mas mataas ng halos pitong beses sa mga bilang na naitala noong 2019.
