Pagpapalakas sa paglaban sa human trafficking iginiit ni Sen. Legarda

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang pananatili ng Pilipinas sa Tier 1 na ranggo nito sa paglaban sa human trafficking.

Sinabi ni Legarda, co-sponsor at may-akda ng Republic Act No. 9208, o Anti-Trafficking in Persons Act, na dapat panatilihin at palakasin ng bansa ang paglaban sa human trafficking upang maiwasan ang mga susunod na kaso.

“Lubos akong nagpapasalamat sa ating pamahalaan na patuloy na nagtataguyod ng mga programa at patakarang nagsasawata sa paglaganap ng human trafficking sa bansa, na sumisira sa kinabukasan ng marami nating kababayan,” ayon sa senador.

“We must ensure we put an end to this crime so that no fellow citizen will be exploited by nefarious parties,” dagdag pa nito.

Sa pinakahuling edisyon ng Trafficking in Persons (TIP) report na inilabas ng US Department of State, kinilala ang Pilipinas bilang isa sa 30 bansang binigyan ng pinakamataas na rating.

Nabatid na natugunan ng Pilipinas ang pinakamababang pamantayan para sa pag-aalis ng human trafficking sa ilalim ng America’s Trafficking Victims Protection Act of 2000, na itinaas sa Tier 1 placement mula noong 2016.

Pinuri ni Ambassador-at-Large Cindy Dyer, pinuno ng US State Department’s Office to Monitor and Combat Trafficking in Persons, ang Pilipinas at kalapit bansang Indonesia para sa pagsisikap na tulungan ang mga biktima ng human trafficking na naakit ng mga cybercrime syndicate sa mga operasyon ng cyber scam.

“To help curtail the scourge of human trafficking, we must continue to find ways to alleviate the effects of poverty on our less fortunate countrymen. It is our mission to help the country by crafting relevant measures to help improve the lives of every Filipino,” pahayag pa ni Legarda.

Sa ilalim ng RA 9208, paparusahan ang lahat ng uri ng human trafficking at nag-aalok ito ng legal na proteksyon sa mga taong na-traffic sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanila na hindi sila mapaparusahan sa kanilang tungkulin sa human trafficking.

Leave a comment