
Ni NOEL ABUEL
Pinuri ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang Department of Migrant Workers (DMW) sa matagumpay na pilot-testing ng OFW Pass, isang digital platform na idinisenyo upang palitan ang tradisyonal na paper-based na Overseas Employment Certificate (OEC) para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon kay Magsino, umaasa itong ang OFW Pass ay makakamit ng buong functionality at matugunan ang mga nakaraang isyu na kinaharap ng mga OFWs sa proseso ng aplikasyon ng OEC.
Partikular na inaasahan ng OFW party list na ang OFW pass ay mahusay na mapapalitan ang mahaba, masalimuot at magastos na proseso na tinitiis ng mga OFWs sa pagproseso ng kanilang mga OECs.
“It has been a ‘long time coming’, but we are happy and hopeful that the OFW pass will give relief and convenience to our OFWs who have been enduring the traditional process for years. Isang pahirap sa OFWs ang dating OEC process,” aniya.
“Naiintindihan nating kailangan ito para sa proteksyon nila pero imbes makatulong ay naging pabigat ang proseso. Ngayon na digitized na ito, sana ay tuluyang maayos na ang sistema at magbigay ng tunay na ginhawa sa ating mga OFWs,” pahayag pa ni Magsino.
Gayunpaman, hinimok ng kongresista ang DMW na magsagawa ng masinsinang information-dissemination at pagsasanay para sa wastong paggamit ng digital application dahil ang mga limitasyon sa digital literacy ay maaaring magdulot ng problema sa mga OFWs.
Hinimok din nito ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na patuloy na tulungan ang DMW sa pag-fine-tune ng application bilang tugon sa pahayag ng mga end-user.
“We should continue to anticipate ‘birthing pains’ with this new application. Not all OFWs are adept at navigating digital applications so we urge DMW to intensify its efforts on informing our OFWs how to access and use the app. Multiple feedback mechanisms must also be in place as we need to fine-tune the app based on user experience,” sabi pa ni Magsino.
