
NI NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Christopher “Bong” Go sa pagdami ng kaso ng naitatalang leptospirosis at iba pang waterborne diseases ngayong panahon ng tag-ulan.
Giit ng senador sa Department of Health (DOH) na paigtingin ang kampanya ang programa laban sa nasabing pagdami ng kaso ng leptospirosis dahil sa mga pagbaha sa ilang lugar sa bansa dulot na malakas na pagbuhos ng ulan.
“I urge the Department of Health (DOH) to intensify their campaign program, lalo na ngayong nandirito na rin po ang rainy season,” sabi ni Go nang bumisita sa San Miguel, Bulacan.
“Talagang prone tayo sa pagbaha, lalong lalo na po sa mababang lugar, masisikip na lugar,” dagdag nito.
Sinabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health, ang kahalagahan ng pagiging malinis sa paligid kasabay ng apela sa publiko na alisin ang mga tubig-baha at iprayoridad ang sanitasyon.
“Importante po dito ngayon ang ingat tayo, wag tayong basta-bastang lulusob sa baha, at ang DOH po ay paalalahanan ang ating mga kababayan ng sanitation,” sabi pa ng senador.
Nabatid na nagbabala ang DOH sa inaasahang pagdami ng kaso ng leptospirosis dahil na rin sa maraming lugar sa bansa ang binaha.
“Bilang chairman ng Senate Committee on Health, nakikiusap ako sa DOH na mas paigtingin pa ang kanilang kampanya laban sa leptospirosis at iba pang sakit ngayong panahon ng tag-ulan. Dapat mas maintindihan ng taumbayan kung saan nakukuha ang naturang sakit, kung paano maiiwasan ito at kung ano ang gagawin kung sakaling may tamaan nito,” sabi ni Go.
Pahayag pa ng senador, sinumang mangailangan ng tulong o pagpapagamot ay maaaring magtungo sa ospital.
“I urge na kung kailangan ninyo ng tulong sa pagpapaospital, kung kailangan n’yong magpacheck-up, meron naman pong 158 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong po sa ating mga kababayan,” sabi ni Go, principal author at sponsor ng Malasakit Centers Act.
Isinusulong din nito ang pagtatayo ng Super Health Centers sa ilang pangunahing lugar sa bansa na naglalayong mas marami ang mapaglingkuran nito lalo na ang mahihirap.
