
Ni NOEL ABUEL
Umapela si 1-Rider paty list Rep. Rodge Gutierrez na ipagpaliban muna ang pagpapataw ng multa sa mga motorcycle riders na sumisilong sa ilalim ng footbridge at flyover habang hindi pa nakahanda ang mga alternartibong solusyon dito.
Ito ay matapos maglabas ng anunsiyo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sisimulan na ang pag-iisyu ng violation ticket sa mga riders na sisilong sa ilalim ng footbridge at flyover sa darating na Agosto 1 tuwing umuulan.
“Hindi nga dapat sumisilong sa ilalim ng mga tulay ang riders, ngunit napipilitan sila dahil delikadong magmaneho at magkasakit kapag biglang naabutan ng malakas na buhos ng ulan,” wika ni Gutierrez.
Kinuwestiyon ni Gutierrez kung bakit nagmamadali ang MMDA at dapat na pagmultahin agad ang mga motorcycle riders samantalang hindi pa naman naihahanda at naiaanunsiyo ng tama kung saan-saan ba ang wastong sisilungan at kung paano ang sistema.
Binigyang diin pa ng kongresista na makukuha sa paliwanag ang mga riders ngunit dapat malinaw ang panuntunan at maglaan ng tamang panahon para ipaalam sa mga riders upang matantiya nila ang pagsilong sa oras na bumuhos ang ulan kung saan-saan dapat sumilong.
“1-Rider party list supports the MMDA’s initiative to provide lay-bys and tents at gas stations, pero hindi dapat parusa agad ang unang nasa isip gayung hindi pa naisasaayos ang lahat,” panawagan pa ni Gutierrez.
Nilinaw pa ni Gutierrez na karagdagang panahon lang ang kailangan ng mga riders upang hindi naman ito magbayad ng multa dahil lang sa hindi sila inabot ng impormasyon, pero kung maihahanda umano agad ang lahat ay wala namang problema kung hindi ang sumunod.
“We hope na maipatupad na by August 1 ang proposed alternative solutions natin. MMDA should give riders the same leniency it gives other motorists when it comes to solving our traffic woes,” panawagan pa ni Gutierrez.
