
KUNG totoo ang balitang ito, dalawang partido ang tunay na agrabyado.
Una ang pamilya ng dalawang pulis na sina Master Sergeant Joseph Ostonal at Police Corporal Jeffrey Refereza, kapwa miyembro ng Oas Municipal Police Station ng Albay Police Provincial Office.
Ang ikalawa ay ang pamilya naman ng naarestong suspek na sina Richard Bonaobra, 35-anyos at Fernan Jardinel, 37-anyos, mga AWOL na miyembro ng 65th Infantry Battalion, 9th ID ng Philippine Army.
Kung matatandaan, ang mga pulis na sina Ostonal at Refereza ay napatay sa nangyaring shootout na naganap noong June 9, 2023 sa Bgy. Ilaor Sur, Oas, Albay.
Sa spot report, dakong alas-11:50 ng gabi ay nagpapatrolya ang mga biktima sa naturang lugar nang bigla na lang silang paputukan ng mga suspek.
Tinangka pang isugod sa Josefina Belmonte Duran District Hospital ang mga pulis, ngunit idineklara silang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Joseph Ralph Barrameda.
Walang malinaw na impormasyon ang motibo ng pamamaslang, ngunit marami ang nagsasabi na ‘nagkagulatan’ umano sa pagitan ng mga elemento ng pulisya at mga kriminal.
Kasama sa report ang pagkakaaresto sa mga suspek na sina Bonaobra at Jardinel na kapwa residente ng Bgy. Santiago Old, Nabua, Camarines Sur.
Nakuha umano sa kanila ang isang kalibre .45 baril at dalawang motorsiklo na ginamit sa krimen.
Ngunit ano itong natanggap nating report na negative sila sa ‘paraffin test?’
Itinanggi rin nila na sa kanila ang nakuhang kalibre .45.
Sinabi ng ilang nakakakilala sa dalawang suspek na hindi nila magagawa ang ibinibintang na krimen dahil walang dahilan para gawin iyon.
Sakay umano sila ng motorsiklo nang iwasan ang checkpoint, hindi dahil sa may ginawa silang krimen kundi dahil wala lamang rehistro ang kanilang dalang sasakyan.
Hindi rin umano totoong hinuli sila sa follow up operation, kundi kusang-loob silang sumuko nang madaanan ang isang military vehicle.
Palibhasa dati silang mga sundalo at kakilala ang nagmamaneho ng military vehicle, kusang-loob silang nagpasailalim sa mga ito sa pagsasabing ang bukod tanging kasalanan nila ay rehistro ng kanilang motor.
May nagsasabing itinanim lamang umano ang kalibre .45 baril na nakuha sa mga suspek, bagay na dapat imbestigahan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ngayon.
Umiiyak ang pamilya ng mga suspek dahil napagbintangan sila sa krimeng hindi nila ginawa.
Sinabi ng ating source na parang ‘wrong place at the wrong time’ ang nangyari sa dalawa nang maganap ang shootout sa grupo ng Albay PNP.
May ‘one strike policy’ ang PNP.
Ibig sabihin nito, kapag may nangyaring krimen sa iyong nasasakupan, awtomatikong sibak ka agad sa puwesto.
Ayaw kong paniwalaan na kaya ginawang ‘fall guy’ ang mga suspek ay upang may mga opisyal sa Albay PPO ang hindi masibak sa puwesto.
Minsan na nating naisulat ang ‘laban o bawi’ na ‘relieved order’ ni Albay PPO chief Col. Fernando Cunanan.
Sinibak na ito sa puwesto, ngunit nakabalik din agad bilang hepe ng naturang kapulisan.
Ngayong may bahid ng pag-aalinlangan ang imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang pulis-Albay, mukhang maraming dapat ipaliwanag si Col. Cunanan kina DILG Sec. Benhur Abalos, PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., Police Regional Office (PRO) 5 director Gen. Westrimundo Obinque at Albay Gov. Edcel Greco Lagman.
Kahit kay Albay (2nd district) Rep. Joey Salceda ay dapat din mag-explain si Col. Cunanan kasi ang balita ko, isa sa napatay na pulis ay ‘security’ mismo ng magaling na mambabatas.
Paano rin kaya kung lumapit kina Senador Raffy Tulfo at Senador Bato dela Rosa ang pamilya mga suspek na dating sundalo?
Kasi ang huling impormasyon ko, may ‘whistle blower’ na lalabas para patunayan na ‘framed up’ ang pagkakaaresto sa mga suspek.
Hindi ko sinasabing positibo agad ang impormasyong ito dahil ayaw kong sirain ang imahe ng kapulisan.
Pero kung totoo ngang ‘fall guy’ ang mga suspek, kaawa-awa naman ang kanilang pamilya, higit lalo ang pamilya ng biktima na nanghihingi ng hustisya.
Hindi maganda na para maiwasan ang parusa sa ‘one strike policy,’ ay isasakripisyo natin ang buhay ng mga inosenteng suspek na mga ama rin sa kanilang pamilya, tulad ng mga kaawa-awang mga pulis na biktima ng krimen.
Umaasa tayong may gagawing aksiyon dito sina Gov. Lagman at Cong. Joey Salceda, gayundin sina Gen. Acorda at Gen. Obinque.
At umaasa rin tayong makapagpaliwanag nang maayos sa publiko si Col. Cunanan na halos ayaw tantanan ng intriga at kontrobersiya.
***
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.
