
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Vietnamese nationals na sinasabing sangkot sa cryptocurrency scam activities.
Kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang mga nasabing dayuhan na sina Phan Thi Lien, 27-anyos at Nguyen Sanh Huy, 28-anyos na dinakip noong Hulyo 17.
Sinabi ni Manahan na ang naturang mga dayuhan ay kabilang sa naaresto ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) noong nakalipas na buwan ng Mayo sa Mabalacat, Pampanga.
Sa record ng BI, ang dalawang dayuhan ay may immigration deportation case na may petsang Hulyo 10.
“Cases were previously filed against them, but their physical custody remains with the arresting agency. We were surprised to find them in our office, inquiring about the status of their case,” ayon sa BI official.
Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang nasabing mga dayuhan habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon sa mga ito pabalik ng kanilang bansa.
