
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang senador sa administrasyong Marcos na siguruhin pa ring maibibigay sa mga healthcare workers ang benepisyo ng mga ito kahit tinanggal na ang state of public emergency sa buong bansa.
“We respect the decision of President Bongbong Marcos, Jr. of lifting the state of public health emergency in our country. We trust that it was arrived at after careful consideration of the present health issue and the need to finally open up the economy,” sabi ni Senador Christopher”Bong” Go.
“Gayunpaman, ang apela ko sa executive branch ng gobyerno ay siguraduhin pa ring maibibigay sa ating mga healthcare workers ang dapat nilang nakuha noon ayon sa batas,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng senador na kasama rin sa mga hindi pa nabibigay ang kanilang COVID-19 related allowances, pati ang mga death benefits para sa mga nagbuwis ng buhay sa ating laban kontra COVID-19.
“With or without the State of Public Health Emergency, the government should fulfill its obligations to protect the lives of Filipinos, safeguard their health, and give what is due to them, especially to our medical frontliners,” sabi nito.
Samantala, nanawagan din si Go sa publiko na patuloy pa ring mag-ingat at tiyakin na naaalagaan ang sarili.
“Ang apela ko naman sa mga kababayan natin, patuloy pa rin tayong mag-ingat, alagaan ang ating katawan at unahin ang ating kalusugan. Marami na tayong natutunan at naisakripisyo nitong panahon ng pandemya na magsisilbing aral sa atin upang mapangalagaan ang ating komunidad laban sa iba’t ibang health threats,” panawagan pa ni Go, chairman ng Senate Committee on Health.
Patuloy pa rin aniya nitong magsusulong ng mga panukalang batas at susuporta sa mga programa ni Pangulong Marcos makakapagpabuti ng health system at makakatulong sa mahihirap.
“Ilapit natin sa tao ang serbisyo medikal mula sa gobyerno at siguraduhin nating hindi napapabayaan ang mga higit na nangangailangan, lalo na ang mga mahihirap na mga Pilipino,” aniya pa.
