Pagpasa sa DDR isama sa prayoridad ng pamahalaan — solon

Senador Christopher”Bong”Go

Ni NOEL ABUEL

Umaasa si Senador Christopher “Bong” Go na uunahin din ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) lalo na sa gitna ng mga nagdaang kalamidad na naranasan ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong mga nakaraang taon.

Binigyan-pansin ng senador ang kahinaan ng bansa sa mga natural na kalamidad, sa isang panayam noong Hulyo 17, matapos tulungan ang mga mahihirap na residente sa Tagbilaran City, Bohol, at nagsulong ng isang pinalakas na pambansang balangkas sa paghahanda sa sakuna, pagtugon at tungo sa katatagan.

Nagpahayag ang senador ng pag-asa na ang kanyang panukalang pambatas para sa isang DDR ay isasama sa priority legislative agenda ng gobyerno.

“Nasa committee level po ito ng Defense Committee sa Senate. Bilang vice chairman, ay hinihikayat ko po ‘yung mga kasamahan ko sa Senado na sana po ay maipasa natin ito,” sabi ni Go.

“Dapat po mayroon na tayo na cabinet secretary level na mamumuno ng departamento na nakatutok sa paghahanda, pagresponde at pagpapalakas ng ating mga mekanismo upang maproteksyunan ang ating mga kababayan sa panahon ng sakuna. Hindi man natin masasabi kailan darating ang kalamidad, mas mabuting laging handa tayo,” paliwanag nito.

Sa kanyang pagbisita sa Bohol, binanggit ni Go ang madalas na daanan ng bagyo at iba pang natural na sakuna ang lalawigan kung kaya’t nangangailangan na ng isang preemptive, responsive, at well-coordinated system.

Noong 2013, nakaranas ang Bohol ng malakas na lindol na may magnitude na 7.2, na nakasentro malapit sa munisipalidad ng Sagbayan.

Nagdulot ito ng pinsala sa mga residente nito kung saan hindi bababa sa 222 ang nasawi, at humigit-kumulang 8 katao ang naiulat na nawawala.

Ang kabuuang pinsalang naidulot ng kalamidad na ito ay tinatayang lumampas sa $53 milyon.

Bunsod nito, sinabi ni Go na mahalaga ang DDR kung saan higit pa itong pinalakas tulad ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan bago ang mga sakuna, titiyakin ang epektibong paglalagay ng mga pangangailangan, mapadali ang napapanahong paglikas, at pasimulan ang mga pagsisikap sa pagpapanumbalik at rehabilitasyon pagkatapos ng kalamidad.

“Hindi ‘yung puro task force. Kapag task force, tapos bago ‘yung administrasyon, bagong tao na naman. Napapabayaan, nakatiwangwang. Kaya dapat po isang departamento, Department of Disaster Resilience,” aniya.

“Importante na mayroon tayong departamento na nakapokus at may klarong mandato pagdating sa ating disaster resiliency efforts. Hindi puwedeng laging task force na lang dahil temporary lang ito at nawawala ang continuity kapag nagpalit na ng administrasyon. Mahirap din kung mananatiling coordinating council lang ang mamamahala sa ganitong sitwasyon dahil sa kakulangan ng kapangyarihan nito,” dagdag pa ni Go.

Leave a comment