
Ni RHENZ SALONGA
Suspendido ang lahat ng klase sa mga pampublikong eskuwelahan at pasok sa mga opisina ng pamahalaan sa Metro Manila sa ikalawang State-of-the-Nation-Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dahil sa Typhoon Egay at ang transport strike.
Sa inilabas na Memorandum Circular No. 25 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, idineklara nito ang work at class suspension sa darating na Lunes.
“In view of the forecasted inclement weather brought about by Typhoon Egay and the scheduled 72-hour transport strike in Metro Manila, work in government offices and classes in public schools at all levels in the National Capital Region are hereby suspended on 24 July 2023,” ayon sa MC.
Sa ilalim ng MC 25, ang mga ahensya ng pamahalaan na kasama sa mga delivery of basic and health services, preparedness o response to disasters and calamities, and or performance of vital services, ay tuloy ang trabaho.
Samantala, ang pasok sa trabaho sa mga pribadong tanggapan at sa pribadong eskuwelahan ay pinapabayaan na lamang sa desisyon ng mga ito.
Sa pinakahuling datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang bagyong Egay ay nasa 750 km. silangan ng Virac, Catanduanes, taglay ang lakas na hangin na 65 kph malapit sa gitna at pagbugso na nasa 80 kph.
Samantala, sa transport strike ng grupong Manibela, sinabi nitong tatlong araw ang gagawing tigil-pasada simula sa Lunes.
