
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dalawang Chinese fugitives na nagtangkang pumasok sa Pilipinas.
Ayon kay Border Control and Intelligence Unit Head Dennis Alcedo, pinigilang makapasok sa NAIA ang dayuhang si Yang Ke, 32-anyos, na dumating mula Bangkok noong Hulyo 20.
Sa record, si Yang ay nasa Interpol database dahil sa pagiging miyembro ng criminal organization sa China kung saan sinasabing ito ang namumuno sa gambling game development department kung saan kumita ito ng mahigit sa 2 million CNY.
Agad na nakipag-ugnayan ang kinatawan ng Chinese police sa Manila na magsaayos ng pagbabalik ni Yang sa China sa sumunod na araw.
Samantala, naharang din ng BCIU ang isa pang Chinese national na si Tang Wenjie, 26-anyos, na dumating mula sa Hong Kong noong Hulyo 22.
Napag-alamang ito ay nasa Interpol Blue Notice para sa pandaraya.
Base sa rekord, naglabas ang Changle Public Security Bureau ng Weifang City ng warrant ng detensyon laban kay Tang, at sinasabing ito ay sangkot sa pandaraya sa nagkakahalagang 5 milyong CNY sa pamamagitan ng pag-akit sa mga mamumuhunan para sa isang site ng pagsusugal.
Hindi na nagawa pang makapasok ng Pilipinas si Tang at agad na pinabalik sa bansang pinanggalingan.
