
Ni NOEL ABUEL
Hinikayat ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mga kapwa nito mambabatas at executive branch na harapin nang madalian ang paglikha ng isang ahensyang gagawa ng mga alituntunin sa pamamahala at ethics at kumilos bilang “guardrail” sa paggamit, pagbuo at pagpapatupad ng isang pambansang Artificial Intelligence (AI).
Sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang mga regulators sa buong mundo mula sa United States, Great Britain, European Union, ilang bansa sa ASEAN tulad ng Singapore, bukod sa iba pa ay kasalukuyang nagmamadaling bumalangkas ng mga regulasyon para pamahalaan ang paggamit ng umuusbong na teknolohiya ng AI.
Sa unang bahagi ng taong ito, naghain ng panukalang batas si Barbers na nananawagan para sa paglikha ng isang “superbody” na kilala bilang Artificial Intelligence Development Authority (AIDA) upang pangasiwaan ang pag-unlad at pag-deploy ng mga teknolohiya ng AI.
Layon aniya nito na tiyakin ang pagsunod sa mga prinsipyo at AI ethics principles, at pagprotekta sa mga karapatan at kapakanan ng mga indibidwal at komunidad na apektado ng AI technology.
“While the rapid phase of technological advancement in AI provides huge potential in the development of the people and the economy, it also poses risks and challenges that must be addressed to ensure that its benefits are maximized, and its negative impacts are minimized, if not avoided,” ani Barbers.
“Tulad ng paghahanda natin, kasama na ang pamahalaan, sa mga sakuna tulad ng bagyo, baha, lindol, sunog at iba pa, dapat din nating paghandaan ang daluyong na pwedeng dalhin sa ating bansa ng AI technology. Kasama na rin dito ang pagharap at paggamit ng kabutihang maidudulot nito sa ating lipunan, bansa at ekonomiya,” paliwanag pa nito.
Kamakailan, naglabas ang University of the Philippines (UP) ng isang draft set ng 10 guiding principles sa responsableng paggamit ng AI bilang tugon sa mabilis na pag-unlad at paggamit ng teknolohiya, lalo na sa isang academic environment.
Sa isyu ng posibleng paglilipat ng trabaho, sinabi ni Barbers na nakatanggap ito ng mga ulat na ang lokal na BPO (Business Process Outsourcing) na industriya, kung saan mayroong higit sa 528,000 call center employees, gayundin ang iba pang industriya na kinasasangkutan ng online marketing at search engine optimization, finance, health care organizations, transportasyon, retail, at iba pa, ay maaaring maapektuhan ng pagpasok at paggamit ng AI technology sa bansa.
Una nang sinabi ni Geoffrey Hinton, dating engineer ng Google at tinaguriang ‘Godfather of AI,’ na ang nasabing bagong teknolohiya ay may dalang masamang epekto sa komunidad at sa tao.
“‘AI could kill humans and there might be no way to stop it.’ This is aside from alarms raised by advocacy groups and tech insiders that the new crop of AI-powered chatbots could be used to spread misinformation and displace jobs,” ani Barbers sa pahayag ni Hinton, sa ilang ulat.
“As I have said earlier, we should have a “watchdog” to guard against unscrupulous individuals, like bandits or terrorist groups, that would take advantage of or use it for their selfish or criminal ends. Mahirap ‘yung patulug-tulog tayo sa pansitan sa mga bagay na ito,” giit ng kongresista.
