BI nagbabala sa nais maging OFW: Mag-ingat sa illegal recruiters

Ni NERIO AGUAS

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na mag-ingat sa pag-a-apply ng trabaho sa ibang bansa.

Ang babala ng ahensya ay matapos ang pagharang sa dalawang biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Hulyo 16.

Ang dalawang babaeng biktima, na may edad na 42-anyos at 30-anyos, ay isinangguni para sa pangalawang inspeksyon matapos ipakita ang mga working documents na pawang peke.

Sa ulat mula sa travel control and enforcement unit ng BI, sinabihan ang dalawang biktima ng kanilang illegal recruiters na magpanggap bilang mga outbound seafarers ng isang local manning agency.

Isa sa mga biktima ang umamin na nagbayad ng P120,000 sa isang recruitment agency sa pamamagitan ng money transfer.

Matapos nito ay inutusan ang mga biktima na magtungo sa local manning agency upang makuha ang kanilang dokumento para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Pahayag pa ng mga biktima, pinangakuan ang mga ito ng trabaho bilang isang tagapaglinis at bilang isang household service worker, at binigyan ng mga pekeng transit visa at seaman’s books.

Agad na nakipag-ugnayan ang BI sa Department of Migrant Workers upang kanselahin ang lisensya ng tiwaling recruitment agencies.

Inasistehan na ang mga biktima ng Inter-Agency Council Against Trafficking para masampahan ng reklamo ang kanilang recruiters.

Leave a comment