Caloocan handa na sa transport strike — Mayor Along

Ni JOY MADELAINE

Tiniyak ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa publiko na nakahanda ang pamahalaang lungsod ng Caloocan na magbigay ng libreng sakay sa mga maaapektuhan ng tigil-pasada ng ilang transport group sa Lunes.

Ayon kay Malapitan, mayroon nang 60 sasakyan ang naka-standby para sa posibleng epekto ng transport strike sa Hulyo 24-26.

Gayundin, tiniyak ng alkalde sa publiko na nakalagay ang mataas na alert status ang 24/7 Caloocan Emergency Hotline (02) 888-25664 para sa mga kagyat na alalahanin.

“Asahan ninyo po na mananatiling handa at nakaantabay ang inyong pamahalaang lungsod upang umalalay sa mga apektadong pasahero,” sabi ni Mayor Along.

“Tinatawagan ko rin po ang lahat na paghandaan ang epekto ng tigil-pasada bago pa umalis ng bahay para makaiwas tayo sa anumang aberya,” dagdag nito.

Samantala ang Public Safety and Transport Management Department (PSTMD) ay maglalagay ng contact persons sa mga pangunahing lugar sa lungsod para magbigay ng tulong.

Ayon kay PSTMD Officer-in-Charge Engr. Gilberto Bernardo, tinitiyak nito na masusunod ang direktiba ni Malapitan upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

“Kaugnay na rin po ng utos ni Mayor Along, pananatilihin po natin ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero lalo na ngayong may tigil-pasada. Hiling ko lang po ay maging maayos ang pakikipagtulungan natin sa mga operatiba ng PSTMD,” apela pa ni Bernardo.

Leave a comment