Sa ika-2 SONA ni Pangulong Marcos

Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pag-asa si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera na babanggitin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglikha ng Department of Water Resources (DWR) sa kanyang ikalawang State-of-the-Nation-Address (SONA) sa Lunes.
Sinabi ni Herrera na ang pagtatatag ng isang departamentong nakatuon sa pamamahala ng yamang tubig ay hindi naging mas mahalaga at minadali sa gitna ng lumalalang krisis sa tubig.
“We look forward to how the President plans to address the growing water crisis. We expect him to lay down a comprehensive blueprint, which should include the creation of DWR,” ayon sa kongresista.
Umaasa rin si Herrera na susuportahan ng Pangulo ang kanyang panukala na lumikha ng Water Regulatory Commission (WRC) na mamamahala sa pag-regulate ng mga serbisyo ng tubig sa bansa.
Noong nakaraang Marso, naglabas si Pangulong Marcos ng executive order na lumilikha ng Water Resources Management Office (WRMO) upang pamahalaan ang mga yamang tubig ng bansa at tumugon sa kasalukuyang mga hamon sa kapaligiran.
Ang WRMO, na nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ay isang transitory body na nakabinbin ang paglikha ng isang water resources department.
Kabilang sapangunahing tungkulin nito ang pagbalangkas at pagtiyak sa pagpapatupad ng Integrated Water Management Plan, na magsasama-sama ang iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan.
“We would like to hear the President asking Congress to prioritize the passage of legislation creating the DWR, as well as the measure establishing the WRC, during the second regular session of the 19th Congress,” ayon pa kay Herrera.
“Water crisis is a permanent problem that requires permanent solutions. It is high time that we come up with a comprehensive regulatory framework designed to better balance the management of the country’s water resources through the creation of DWR and WRC,” dagdag nito.
Magugunitang noong nakaraang Pebrero, ang House Committees on Government Reorganization and on Public Works and Highways ay bumuo ng technical working group para pagsama-samahin ang ilang panukala sa paglikha ng DWR at WRC, kabilang ang House Bill Nos. 1013 at 1014 na inihain ni Herrera noong Hulyo ng nakaraang taon.
Sinabi ni Herrera na ang kanyang kambal na panukala ay makatutulong sa bansa na makamit ang universal access sa ligtas, sapat, abot-kaya at napapanatiling serbisyo ng tubig at kalinisan para sa lahat ng Pilipino.
