Korean at Chinese nationals kalaboso ng BI

Ni NERIO AGUAS

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national sa
Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na magpresenta ng pekeng ACR I-Card.

Kinilala ang nasabing dayuhan na si Kim Hyungmin, 41-anyos, na naharang sa NAIA nang dumating sa bansa sakay ng Korean Airlines flight mula sa Incheon, Korea noong Hulyo 23.

Nabatid na dumaan sa primary inspection si Kim kung saan isinumite nito ang kanyang pasaporte at kanyang ACR I-Card.

Subalit nagduda ang isang immigration personnel sa ACR-ICard kung kaya’t dinala ito sa BI’s forensic document’s laboratory para sa beripikasyon kung saan dito napatunayan na peke ang nasabing dokumento.

Samantala, naaresto naman ng BI Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ang isang Chinese national noong Hulyo 22.

Ayon kay BCIU Deputy Head Joseph Cueto, kinilala nito ang dayuhan na si Huang Rongcu, 25, na sinasabing kabilang sa naaresto ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group sa isang raid noong Enero sa Las Piñas.

Nabatid na tinangka ni Huang na tumakas para makaiwas sa deportation charge na isinampa laban sa kanya at sa 1,073 iba pa matapos iendorso ng PNP-ACG sa BI.

Sa ulat mula sa PNP, sinabing sangkot umano ito sa isang kumpanyang sa cyber fraud activities.

Matapos iendorso ng PNP-ACG para sa biometrics capturing, nagsampa ang BI ng deportation case laban sa dayuhan dahil sa kasong undesirability, overstaying, at paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa

Kapwa nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang dalawang dayuhan.

Leave a comment