
Ni NOEL ABUEL
Pagpapaliwanagin ni Senador Jinggoy Estrada ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa naging ulat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nasa 95 porsiyento na ang employment rate sa bansa.
Sa panayam kay Estrada, sinabi nitong agad na kakausapin nito ang DOLE upang usisain kung anong statistics o datos ang ibinigay nito sa Malacañang at ipinagmalaki ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalawang State-of-the-Nation-Address (SONA) noong Lunes.
“Hindi ko alam kung ano ang data, statistic na sinumbit nila sa Office of the President. ‘Yung employment siguro nag-improve naman talaga,” sabi nito.
Magugunitang sinabi ng Pangulo na ang employment rate sa bansa ay tumaas ng 95.7 percent na malinaw umanong pagpapakita na ang unemployment na naitala noong panahon ng pandemya ay nasa 82.4 percent.
Sinabi ni Estrada na uusasin nito sa DOLE ang datos nito at kung ano ang pinagbasehan na maraming Filipino na ang may trabaho sa kasalukuyan.
Isang araw matapos ang SONA ng Pangulo ay marami ang nagulat sa mataas na porsiyento ng employment sa bansa gayung marami pa rin ang naghihirap na pamilya dahil sa kawalan ng trabaho at pagkakakitaan.
Ipinagmalaki ni Pangulong Marcos na magdaragdag ito ng trabaho sa nalalabing 4.3 porsiyento ng mga manggagawa gayundin ang 11.7 porsiyento ng mga underemployed Filipino na naghahanap ng oportunidad na magkaron ng maayos na trabaho.
