Wind Signal no. 5 itinaas sa Babuyan Island

NI MJ SULLIVAN

Idineklara nang super typhoon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyong Egay habang nagbabantang manalasa sa mga probinsya sa hilagang Luzon.

 Sa pinakahuling datos ng weather specialist ng PAGASA, huling namataan ng Daet Doppler Weather Radar ang super typhoon Egay sa layong 230 km silangan hilagang silangan ng Tuguegarao City, Cagayan o 240 km silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang malakas na hangin na nasa 185 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 230 km/h.

Kumikilos ang bagyo pahilagang kanluran sa bilis ng 20 km/h at asahan ang malakas na hangin na nasa 680 malapit sa gitna.

Samantala, itinaas na ng PAGASA sa wind signal no. 5 sa silangang bahagi ng Babuyan islands sa Camiguin island gayundin sa Visayas at Mindanao na makakaranas din ng malakas na hangin na nasa 185 km/h sa loob ng 12 oras at magkakaroon din ng malakas na pag-ulan.

Pinapayuhan ang mga residente na nakatira malapit sa dalampasigan na lumikas sa mataas na lugar dahil sa posibilidad na magkaroon ng pagbaha at storm surge.

Wind signal no. 4 naman sa hilagang bahagi ng mainland Cagayan partikular sa Santa Ana at Gonzaga at nalalabing bahagi ng Babuyan islands kasama rin ng Visayas at Mindanao na makakaranas din ng malakas na pag-ulan at malakas na hangin na nasa 118 km/h hanggang 184km/h na mararanasan sa loob ng 12-oras.

Nakataas naman sa wind signal no. 3 sa hilagang silangan ng Isabela kasama ang Divilacan, Maconacon, Palanan, Santa Maria, San Pablo, Santo Tomas, Cabagan, Tumauini, ang nalalabing bahagi ng Cagayan, Apayao, silangang bahagi ng Ilocos Norte  kasama ang Vintar, Adams, Pagudpud, Dumalneg, Nueva Era, Carasi, Bangui, Piddig, Solsona, hilagang silangan ng Kalinga sa Rizal, Pinukpuk at Batanes.

Wind signal no. 2 naman sa nalalabing bahagi ng Isabela, hilaga at gitnang bahagi ng Aurora kasama ang Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao; Quirino, ang nalalabing bahagi ng Kalinga, hilagang silangan ng Nueva Vizcaya kasama ang Kasibu, Quezon, Diadi, Bagabag, Ambaguio, Villaverde, Solano, Bayombong; nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Mountain Province, Ifugao, hilagang bahagi ng Benguet sa Bakun, Mankayan, Buguias, Kabayan, Kibungan, Atok) at hilagang bahagi ng La Union sa Bangar, Sudipen, Luna, Balaoan, at Santol.

 Sa araw ng Miyerkules ay magiging maulan sa buong Luzon at Visayas at sa Huwebes ay ang Luzon at Western Visayas.

Asahan naman na lalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang super typhoon Egay bago tahakin ang bansang China.

Leave a comment