
NI MJ SULLIVAN
Niyanig ng magkakasunod na paglindol ang lalawigan ng Surigao del Norte at Sarangani ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa Phivolcs, ganap na alas-9:00 ng umaga nang maitala ang magnitude 4.4 na ang sentro ay nasa layong 028 km hilagang kanluran sa bayan ng Santa Monica, Surigao Del Norte at may lalim na 009 km at tectonic ang origin.
Naitala sa instrumental intensities ang intensity II sa lungsod ng Borongan, Eastern Samar at intensity I sa Quinapondan, Eastern Samar; syudad ng Catbalogan, Samar; Hinunangan, Southern Leyte.
Muli namang nasundan ang paglindol dakong alas-9:56 ng umaga sa lakas na magnitude 2.1 sa layong 040 km hilagang silangan ng bayan ng Burgos, Surigao Del Norte at may lalim na 033 km at tectonic ang origin.
Samantala, ganap namang ala-1:26 ng madaling-araw nang maitala ang magnitude 4.2 na lindol sa Sarangani.
Natukoy ito sa layong 101 km timog-kanluran ng bayan ng Kiamba, Sarangani na may lalim na 484 km at tectonic ang origin.
Wala namang naitalang danyos ang nasabing mga paglindol at wala ring inaasahang aftershocks.
