Bagyong Egay patuloy ang pananalasa

Ni MJ SULLIVAN
Isa pang low pressure area (LPA) ang binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng panibagong bagyo.
Ayon sa PAGASA, bagama’t malayo pa naman sa Philippine Area of Responsibility ang nasabing LPA ay wala pa itong epekto sa bansa.
Samantala, ang Super Typhoon Egay ay ibinaba na ng PAGASA bilang typhoon matapos na manalasa sa hilagang Luzon kahapon hanggang kagabi.
Sa pinakahuling tropical cyclone bulletin no. 28 ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Egay sa dalampasigan ng Calayan o Dalupiri Island sa Cagayan taglay ang malakas na hangin na nasa 175 km/h malapit sa gitna at pagbugso na nasa 240 km/h.
Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 10 kp/h.
Nakataas ang tropical cyclone wind signal no. 4 sa hilagang bahagi ng Cagayan sa Santa Ana, Gonzaga, Claveria, Sanchez-Mira, Pamplona, Abulug, Ballesteros, Aparri, Buguey, Santa Teresita, Camalaniugan, Santa Praxedes kasama ang Babuyan Islands; hilagang bahagi ng Apayao kasama ang Calanasan, Luna, Santa Marcela, at ang hilagang bahagi ng Ilocos Norte sa Burgos, Bangui, Dumalneg, Pagudpud, Adams, Pasuquin, Vintar, Bacarra.
Wind signal no. 3 naman sa Batanes, nalalabing bahagi ng Cagayan, ng Apayao, hilagang bahagi ng Rizal, Pinukpuk, Balbalan sa Kalinga; hilagang bahagi ng Abra kasama ang Tineg, Lagayan, Lacub, Danglas, Bangued, La Paz, San Juan, Dolores, Tayum, Lagangilang, Malibcong, Licuan-Baay, Peñarrubia, Pidigan, Langiden, San Quintin, Bucay, San Isidro, Sallapadan; nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, at hilagang bahagi ng Ilocos Sur kasama ang Magsingal, San Juan, Cabugao, Sinait, San Vicente, Santo Domingo, San Ildefonso, Bantay, Santa Catalina, lungsod ng Vigan, Caoayan, Santa, Nagbukel, at Narvacan.
Habang wind signal no. 2 naman sa Isabela, nalalabing bahagi ng Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet; nalalabing bahagi ng Abra, ng Ilocos Sur, La Union, at hilaga at kanlurang bahagi ng Pangasinan kasama ang Sison, San Jacinto, Pozorrubio, San Fabian, Dagupan City, Calasiao, Binmaley, Lingayen, Bugallon, Mabini, Labrador, Infanta, Dasol, Burgos, Agno, lungsod ng Alaminos, Sual, Anda, Bolinao, Bani, San Manuel, Binalonan, Laoac, Manaoag, Mangaldan, Mapandan, Santa Barbara, at San Nicolas.
Signal no. 1 naman sa Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Pangasinan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Zambales, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, hilagang bahagi ng Batangas kasama ang Talisay, lungsod ng Tanauan, Santo Tomas, Balete, Malvar, Lipa City at ang hilaga at gitnang bahagi ng Quezon kasama ang Pitogo, Calauag, Infanta, Lopez, Guinayangan, Unisan, Plaridel, Quezon, Alabat, Padre Burgos, Mauban, General Nakar, Perez, Agdangan, Gumaca, Atimonan, Real, Tagkawayan, Lucena City, Pagbilao, Lucban, Sampaloc, lungsod ng Tayabas, Dolores, Sariaya, Candelaria, Tiaong, San Antonio gayundin ang Polillo Islands, at hilagang bahagi ng Camarines Norte kasama ang Santa Elena, Vinzons, Labo, Capalonga, Paracale, San Vicente, Talisay, at Jose Panganiban.
Asahan ngayong araw hanggang bukas ng hapon ang malakas na pag-ulan na nasa 200 mm na apektado ang hilagang kanluran ng Cagayan kasama ang Babuyan Islands, at Ilocos Norte habang 100 hanggang 200 mm sa Batanes, Ilocos Sur, nalalabing bahagi ng Cagayan, Apayao, at Abra.
Sa nasabing kondisyon, asahan ang pagbaha at pagguho ng lupa.
Paiigtingin din ng bagyong Egay ang hanging habagat na magdadala ng malalakas na pag-ulan sa Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas sa loob ng tatlong araw.
Nagbabala ang PAGASA, na magiging delikado at life-threatening ang kondisyon sa Babuyan Islands, sa hilagang kanluran ng mainland Cagayan, at nalalabing bahagi ng Apayao at Ilocos Norte sa loob ng susunod na 6-oras.
