
NAKASAMA pala sa 18 police officials na tinanggap ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Police Col. Fernando Reyes Ortega.
Si Col. Ortega ay kilalang ‘trusted man’ ni Quezon City Police District (QCPD) chief Brig. Gen. Nicolas Torres III kaya nasisiguro kong isa rin ito sa nalungkot sa kinasapitan ng kanyang malapit na tauhan.
Matatandaang umabot sa 953 police officials mula full pledge colonels hanggang police generals ang pinagsumite ng ‘courtesy resignation’ noong Enero ng kasalukuyang taon.
Inatasan silang lahat na magsumite ng CR nina DILG Sec. Benhur Abalos at dating PNP chief Gen. Rodolfo Azurin upang tuluyan na umanong mawala ang tinatawag na ‘ninja cops’ sa hanay ng Philippine National Police.
Sa naturang bilang, 18 sa mga ito ang tinanggap ng Pangulong Marcos na mag-resign. Sila ay sina:
1. PBGEN Remus Balingasa Medina
2. PBGEN Randy Quines Peralta
3. PBGEN Pablo Gacayan Labra
4. PCOL Rogarth Bulalacao Campo
5. PCOL Rommel Javier Ochave
6. PCOL Rommel Allaga Velasco
7. PCOL Robin King Sarmiento
8. PCOL Rex Ordoño Derilo
9. PCOL Julian Tesorero Olonan
10. PCOL Rolando Tapon Portera
11. PCOL Lawrence Bonifacio Cajipe
12. PCOL Dario Milagrosa Menor
13. PCOL Joel Kagayed Tampis
14. PCOL Michael Arcillas David
15. PCOL Igmedio Belonio Bernaldez
16. PCOL Rodolfo Calope Albotra Jr
17. PCOL Marvin Barba Sanchez at
18. Col. Fernando Reyes Ortega na malapit na tauhan ni Gen. Torres.
Ang pagtanggap sa resignation letter ng 18 police officials ay inanunsiyo isang araw matapos sabihin sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM na may mga opisyales ng pulisya ang pinahintulutan na niyang mag-resign nang tuluyan.
Magkahalong tuwa at saya ang naramdaman sa buong hanay ng PNP.
Masaya para sa lahat dahil muli na namang ibabangon ang imahe ng pambansang kapulisan.
Malungkot dahil kahit papano ay nakasama nila ang 18 police officials na batbat ng intriga ngayon.
Kaya nga sa panig ni Col. Ortega, maraming mata ang nakatingin ngayon kay Gen. Torres kasi alam sa loob at labas ng Camp Karingal na malapit niya itong tauhan.
Katunayan, madalas ang Marites na si Col. Ortega raw ang ipinagmamalaki ng mga illegal gambling operators na sina Tisay, Pinong at Lito Motor kaya walang puwedeng humuli sa kanila sa hanay ng QCPD.
Ayaw kong sabihin na totoo agad ang ganitong tsismis dahil Marites ‘nga!
Pero kung ganito ang sitwasyon, ibig sabihin, hindi lang sa illegal drugs pinagbibintangan na sangkot si Col. Ortega kundi pinagdududahan din itong sangkot sa illegal gambling.
Itong sina Tisay, Pinong at Lito Motor kasi ay palaging nagyayabang na ang kanilang lingguhang ‘tongpats’ ay ipinararating daw nila kay Col. Ortega, bagay na dapat linawin sa publiko ng nasabing opisyal.
Si Col. Ortega, diumano, ayon sa pagyayabang nina Tisay, Pinong at Lito Motor ang ‘bagman’ umano ni Gen. Torres.
At muli, bago magalit sa atin ang dalawang opisyal, nakahanda po ang column na ito na ilagay ang kanilang panig sakaling magbigay sila ng komento, reaksiyon at tugon.
Ang illegal na operasyon nina Tisa, Pinong at Lito Motor ay jueteng, bookies ng karera ng kabayo, lotteng at mga sugal lupa.
Wala pa rito ang koleksiyon naman sa mga night clubs at sauna bath na front ng prostitusyon.
Simula nang maupo si Gen. Torres sa QCPD noong August ng nakalipas na taon, wala pang malinaw na direksiyon ang liderato nito hinggil sa kampanya kontra illegal na pasugalan.
Sinasabing isa ang Quezon City sa mga pangunahing lungsod sa Metro Manila na may mataas na insidente ng krimen, bentahan ng ipinagbabawal na gamot at talamak na illegal gambling.
Sana ay mabigyang-linaw ang mga impormasyong ganito at umaasa tayong magiging ‘firm’ si Gen. Torres sa kanilang campaign against illegal drugs at illegal gambling.
Lalo ay iniutos ni bagong upong National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Jose Melencio Corpus Nartatez ang ‘no take policy’.
****
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.
