Solon sa DOH at FDA: Maglabas ng panuntunan sa artificial sweeteners

Senador Christopher”Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Hinamon ni Senador Christopher “Bong” Go ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na maglabas ng panuntunan sa mga pagkain na may artificial sweeteners para sa kaalaman ng publiko sa masamang epekto nito sa kalusugan.

Ginawa ng senador ang panawagan sa dalawang ahensya ng pamahalaan na gawing madali ang mga paliwanag sa publiko sa epekto ng mga artificial sweeteners.

“Ang apela ko po sa DOH, FDA i-explain nang mabuti, nang maayos sa paraan na hindi masyadong teknikal, ‘yung madaling maunawaan ng ordinaryong Pilipino ang risk ng paggamit ng artificial sweetener katulad ng aspartame, itong mga hinahalo natin,” sabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health.

“Sabi ng WHO, posibleng cancer causing po ito kung masobrahan. Pero safe naman kung magamit po ito within the recommended daily limits. So, may limitasyon po ito, ‘wag lang masobrahan po,” dagdag nito.

Nabatid na tinukoy ng World Health Organization (WHO) ang aspartame, isang uri ng artificial sweetener, na may potensyal na may lamang carcinogenic substance.

Habang ang International Agency for Research on Cancer (IARC), na isang sangay ng WHO, na nagsagawa ng tatlong pag-aaral sa United States at Europe na tinukoy ang aspartame ay nagdudulot ng liver cancer dahil sa kilalang hepatocellular carcinoma.

Sa kabila nito, pinanatili ng WHO ang paggamit ng aspartame basta’t tamang konsumo lamang kada araw ang paggamit ng bawat indibiduwal.

Iginiit din ng senador na dapat unahin ang pagsusulong ng healthy habits at balanseng nutrisyon sa pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kalusugan at kagalingan ng publiko.

Bukod aniya sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko tungkol sa artificial sweeteners, hinimok ni Go ang DOH at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan na maglunsad ng awareness campaigns na nagtataguyod ng physical activity, balanced diets, at overall wellbeing.

Ipinaalala rin ni Go sa mga Pilipino ang kahalagahan ng pagiging alerto sa kanilang sugar intake lalo na at tumataas ang bilang ng taong nasasawi dahil sa problema sa kalusugan tulad ng labis na katabaan at diabetes.

Hinikayat ng senador ang publiko na maging mapagmatyag sa pagbabasa ng food labels at maging aware sa mga hidden sugars sa mga processed foods at beverages.

“Ingat pa rin tayo sa ating kinakain, ingat tayo sa mga dinadagdag natin sa ating pagkain. Lahat naman po kapag sumobra na ay nakakasama. So pangalagaan po natin, sumunod po tayo sa healthy living po para mas humaba pa ang ating buhay,” apela pa ng senador sa publiko.

Leave a comment