
Ni NOEL ABUEL
Sa murang edad ay nakapagtala ng kasaysayan ang isang 10-anyos na bata makaraang magwagi at makakuha ng gintong medalya sa 4th Copernicus International Math Olympiad sa New York, USA.
Si Francis Deinmel Legaspi, tubong Olongapo City at estudyante ng Special Education Center for the Gifted-Kalayaan (SPED-G Kalayaan), ay nagwagi ng gintong medalya at tinalo ang mahigit 100 kalahok mula sa 22 bansa.
Dahil dito, inihain sa Senado ang resolusyon na nagbibigay parangal at pagkilala kay Legaspi dahil sa nakapag-uwi ito ng gintong medalya sa 4th Copernicus International Math Olympiad na ginanap sa Columbia University, New York, USA noong Hulyo 9 hanggang Hulyo 13, 2023.
Ang nasabing patimpalak, ang mga kalahok na estudyante mula sa grade 3 hanggang grade 12 ay naglaban-laban sa larangan ng mathematics at astronomy.


Bunsod nito, isang Senate resolution ang inihain ni Senador Lito Lapid para parangalan at bigyan ng pagkilala si Francis Deinmel sa tagumpay nito at pagdadala ng bandila ng Pilipinas sa US.
Sa Senate Resolution no. 685 na inihain ni Lapid, tinukoy nito na maliban sa nasabing tagumpay ni Legaspi, nagwagi rin ito ng gintong medalya sa iba pang kompetisyon kabilang ang Hong Kong International Math Olympiad, Philippine International Math Olympiad, at World International Math Olympiad.“
The consistent exemplary and outstanding performance of Francis Deinmel Legaspi, resulting in another gold medal victory for the Philippines, deserves the utmost praise, recognition, and commendation for bringing pride and inspiration to the Filipino people,” sabi sa SR. 685.
