200K manggagawa nakinabang mula sa dispute resolution services ng DOLE

NI NERIO AGUAS

Ipinagmalaki ng Department of Labor and Employment (DOLE) na aabot sa mahigit 200,000 manggagawa ang nakinabang mula sa iba’t ibang labor dispute resolution at settlement services ng ahensya.

Ito ay naging bahagi ng performance highlights at inputs ng DOLE para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Nakakuha ng mataas na settlement rate ang mga ahensya ng DOLE, partikular ang Office of the Secretary, National Conciliation and Mediation Board, National Labor Relations Commission (NLRC), Bureau of Labor Relations, at iba’t ibang tanggapan ng DOLE, para sa kanilang conciliation, mediation, at arbitration services para sa ikalawang bahagi ng 2022 at unang semestre ng 2023.

Kabilang sa mga serbisyong ito ay ang pagresolba sa hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng Single Entry Approach ng DOLE kung saan nakinabang ang 43,907 manggagawa at nagresulta sa pagkakasundo na nagkakahalaga ng P1.868 bilyon.

Napigilan din ng kagawaran ang pagpapahinto sa trabaho sa mahigit na 8,000 manggagawa sa pamamagitan ng preventive mediation, kung saan pinag-uusap ang mga manggagawa at management para ayusin ang kanilang isyu sa paggawa at pamamahala upang maiwasan ang paghahain ng kaso.

Nagsagawa rin ng mga intervention ang DOLE sa pamamagitan ng Workers’ Organization Development Program (WODP) para sa responsable at maliwanag na paggamit ng mga karapatan ng mga manggagawa sa pagbuo ng organisasyon at collective bargaining.

Nakatuon ang WODP sa paglinang sa kakayahan ng mga manggagawa at ng kanilang organisasyon upang mabisa at mahusay nilang magampanan ang kanilang tungkulin tungo sa pagtataguyod ng unyonismo, pagbibigay-kapangyarihan sa mga manggagawa, at maayos na relasyon sa pamamahala sa paggawa.

Mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2023, 1,811 miyembro ng unyon ang nabigyan ng pagsasanay, samantalang 175 miyembro ng unyon, o ang kanilang mga dependent, ang nabigyan ng mga scholarship grant sa ilalim ng programa.

Leave a comment