Seryosohin ang galit ni PBBM vs smuggling at hoarders – Sen. Marcos

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkatuwa si Senador Imee Marcos at sa wakas ay nagalit na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa nangyayaring smuggling ng mga produktong agrikultura sa Bureau of Customs (BOC) at sa Department of Agriculture (DA).

Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Marcos na dapat seryosohin ng lahat ang pahayag ni Pangulong Marcos dahil sa bihira itong magalit kung kaya’t nagpahayag ito ng bilang na ang araw ng mga smugglers at hoarders.

“Tuwang-tuwa naman ako na sinabi ng Pangulo ‘yun sa wakas nagalit na rin last year pa nagwawala ‘yan. Sana tuparin niya, kasi ang balita ko nagpataw na ng kaso ang DA sa 13-katao subalit hindi pa rin natin naririnig kung anong development. Sana mag-report sila para malaman natin. Kung tutuusin labis-labis na ang trabaho ng mga media na nagsisiwalat ng mga pangalan ng smugglers, binigay pa ang address, lugar ng mga bodega, kumpleto na ang mga detalye, ang DA at BOC na lamang ang hindi nakakaalam,” sabi nito.

“Talagang tutukan natin ‘yan. Huwag tayong papayag sa moro-morong investigation na kung sinu-sino lang,” sabi nito.

Aniya, batid naman ng lahat ang mga pangalan ng mga smugglers na nabunyag sa mga pagdinig sa Senado at Kamara kung kaya’t madali nang mahuli at makasuhan ang mga ito.

Paliwanag pa ng senador, maganda ang Agricultural Smuggling Law subalit ang pagpapatupad nito ang nagiging problema.

“Ang Agricultural Smuggling Law ay napakagandang batas, pero simula nang maging batas ito ay isa pa lamang ang nakasuhan at makikita natin na hindi ang batas ang problema kung hindi ang enforcement. Nandiyan ang batas pero hindi naman ginagamit, 2015 nariyan na ‘yan at hanggang ngayon 1 pa lang ang nakasuhan,” sabi pa ni Marcos.

Sang-ayon din aniya nito na kung aamiyendahan ang nasabing batas at isasamang kakasuhan ang opisyal ng pamahalaan na sangkot sa smuggling.

Giit pa ni Marcos, kung nagawa ng pamahalaan na pagbitiwin sa tungkulin ang 18 opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay bakit hindi ito magawa sa BOC at DA na dapat ding imbestigahan at suspendehin sa trabaho.

“Kilala naman natin ang iba diyan. Kung pwede sa PNP bakit hindi pwde sa BOC at DA, I-accept na ang resignation kahit di pa nagre-resign. Preventive suspension lang naman. Bibigyan naman natin ng due process,” sabi nito.

Batid din aniya sa mga intelligence report kung sinu-sino sa mga opisyal ng DA at BOC na sangkot sa iregularidad kaya dapat na suspendehin at imbestigahan.

Leave a comment