
Ni NOEL ABUEL
Binatikos ni Senador Raffy Tulfo ang University of Manila (UM) dahil sa umano’y mga iregularidad na nangyari sa 140 civil engineering student na matapos pagbayarin ng graduation fee ay sinabihan na hindi makaka-graduate dahil bagsak sa apat na subjects.
Ito ay kasunod na maghain ng reklamo ang mga estudyante na binagsak umano nang walang dahilan ng kanilang propesor sa UM.
Nabatid na pare-parehong 70 ang failing grade na nakuha ng mga nasabing mag-aaral at matapos ibagsak, nag-resign ang propesor na may hawak ng apat na subjects kung kaya’t hindi na nagawa pang mabawi ang nakakuhang failing mark.
Nakaharap ng mga estudyante ang opisyales ng UM kasama ang Commission on Higher Education (CHED) at Office of Sen. Tulfo noong Hulyo 25 kung saan napuna ng mga staff ng senador na malinaw na may ginawang malaking kapalpakan ang UM laban sa mga nagrereklamong estudyante.
Katunayan, ayon sa obserbasyon mismo ng abogado ng CHED na si Atty. Spocky Farolan na kasama sa pagdinig, ay na-estafa umano ang mga estudyante.
“Napag-alaman din sa nasabing paghaharap na pangkaraniwan na palang kalakaran ito,” sabi ni Farolan.
Isang patunay na unfair ang naranasan ng mga civil engineering student, sinabi ni Tulfo na ang katanungan sa test paper ang nanggagaling sa presidente ng eskwelahan, at sa mga tanong na ito ay walang tamang sagot at nakadepende lamang sa kapritso ng gumawa ng tanong.
Kabilang sa tatlong tanong ang: “What is your subject?,” “Define and explain why this subject is important in your course,” at “Give at least three practical examples on its importance.”
“Kaya pala minali ang sagot ng mga estudyante at pare-pareho silang nakakuha ng 70 failing grade dahil kahit ano pang isagot nila rito ay ang presidente pa rin ng eskwelahan ang masusunod sa gusto niya,” saad ni Tulfo.
Ngunit ang nakakapanindig balahibo, ani Tulfo, ay ang ginawang pagbabanta ng presidente ng UM sa mga dumalo sa pagpupulong na NAMAMATAY DAW ang lahat ng kumakalaban sa kanilang eskwelahan.
Kaya agad namang nag-draft ng Senate Resolution in aid of legislation si Tulfo para magkaroon ng malalimang imbestigasyon ukol dito.
Ipatatawag sa Senado ang presidente at mga opisyal ng UM, CHED, at mga past and present student na nakaranas ng problema sa mga baluktot na sistema ng unibersidad.
