
Ni JOY MADELEINE
May kabuuang 779 na rehistradong job seekers ang nagbaka-sakali at ang dumalo sa 9th Mega Job Fair na isinagawa ng pamahalaang lungsod ng Caloocan sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) ng lungsod sa Bulwagang Katipunan noong Hulyo 26.
Sa mahigit sa 700 na naghahanap ng trabaho, 355 ang natanggap kaagad ng 57 kalahok na kumpanyang kasosyo, na nagpapataas ng success rate mula sa dating job fair na 34.6 porsiyento hanggang sa ngayon ay 45.6 porsiyento.
Pinasalamatan ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang PESO sa patuloy na pagsisikap na maisaayos ang job fair at nanawagan sa mas maraming residente na patuloy na dumalo sa mga susunod na career expo na ibibigay ng lungsod.
“Muli po tayong nagpapasalamat sa PESO para sa isa na namang matagumpay na job fair ngayong buwan. Patuloy lang po ang pagsasagawa natin ng mga programang magbibigay ng kabuhayan sa atin mga kababayan kaya sana po ay mas marami pa sa inyo ang dumalo sa susunod,” sabi ni Mayor Along.
Gayundin, tinukoy ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ay patuloy na mag-improve para mapabuti ang success rate ng bawat job fair.
Hinikayat din nito ang iba pang mga may-ari ng negosyo na lumahok sa city job fair upang magkaroon ng mas maraming oportunidad para sa mga residente ng Caloocan habang pinapabuti rin ang kalagayang pang-ekonomiya ng lungsod.
“Tuluy-tuloy po ang pagkilos ng pamahalaang lungsod upang mapataas pa po natin ang bilang ng mga Batang Kankaloo na nakakakuha ng trabaho,” sabi ng alkalde.
“Sana po ay dumami pa ang bilang ng ating mga partner companies sa mga susunod na job fair. Mas maraming kumpanya, mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan at patuloy din ang pag-unlad ng ekonomiya ng ating lungsod,” dagdag pa nito.
