
Ni NOEL ABUEL
Tinitiyak ni 1-Rider party list Rep. Rodge Gutierrez ang inilatag na adyenda ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) hinggil sa Motor Vehicle Users’ Charge (MVUC) na maisaayos ang sistema na binigyang diin nito sa katatapos na State of the Nation Address (SONA).
“Taos-puso po ang aming pagtanggap sa pahayag ng ating Pangulo hinggil sa pagrereporma sa MVUC. Ikinatutuwa ng 1-Rider party-list itong increased focus on transport pagdating sa legislation,” paliwanag ni Gutierrez.
Aniya, susubaybayan nito ang direksyon ng Pangulo na mapatupad ng naaayon ang pagbalangkas ng budget ng Department of Public Works and Highway (DPWH) lalo na sa MVUC.
“Matagal na naming tinututukan ang suliraning ito, lalo na sa paggamit ng mga pondo, kaya umaasa kaming mapapabilis nito ang pagpasa ng batas sa Kongreso, at asahan nila ang pakikipagtulungan natin sa government agencies para dito,” paglilinaw ng kongresista.
Una nang binatikos ni Gutierrez ang kakulangan ng alokasyon sa kinokolektang buwis mula sa MVUC, at ang budget cuts sa Special Road Fund, Libreng Sakay program, fuel subsidy, at bike lanes sa budget deliberations ng nagdaang taon.
“Ang ating pakiusap ay maging mas angkop sana ang paggamit ng pondo, at tiyaking ang bawat programa ay tunay na magbubunga ng mas maraming benepisyo sa lahat, kabilang dito ang pagpapabuti sa kalagayan ng ating mga kalsada, pagpapatupad ng road safety measures, at pagpapagaan ng daloy ng trapiko,” ani pa ni Gutierrez.
Nabatid na lumabas itong pahayag ni PBBM hinggil sa pagreporma sa MVUC isang araw bago maaprubahan sa House committee level ang isang panukalang batas para sa pag-amyenda ng Republic Act 8794 na siyang nagtatalaga ng MVUC.
