26 kumpirmadong nasawi

NI NERIO AGUAS
Patuloy ang isinasagawang search and rescue/retrieval operations ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa posibleng may nakaligtas pa o nasawi sa lumubog na bangka sa Binangonan, Rizal.
Ayon sa PCG, base sa pinakahuling datos na hawak nito, nasa 26 na indibiduwal ang kumpirmadong nasawi habang nasa 40 naman ang nakaligtas matapos na masagip ng mga mangingisdang tumulong para masagip.
Alas-6:00 ngayong umaga muling inilunsad ng PCG ang search and rescue/retrieval operations upang malaman kung may makita pang buhay na pasahero o kung may naiwan pang labi sa nakataob na Princess Aya.
Nagsasagawa naman ng parallel investigation ang PCG at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng insidente at kung ano ang pananagutan ng boat captain.
Kabilang sa aalamin ng PCG at PNP kung ano ang tunay na bilang ng mga pasahero ng bangka dahil sa passenger manifest, 22 lamang ang pasaherong nakadeklara.
Sa isinagawang interview, napag-alamang 42 ang “maximum capacity” ng tumaob na bangka, kasama ang dalawang crew at isang boat captain.
Nakita rin sa mga nakaligtas at nakitang mga bangkay na walang suot ang mga itong life vest na dapat ay awtomatikong isinusuot kapag bumibiyahe. Aalamin din kung bakit bumiyahe ng naturang bangka kahit masama ang panahon tulad ng malalakas na hangin at storm surge na ibinabala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
