
SUBUKAN N’YO!
Tinambakan ko ng kasong kriminal ang isang city prosecutor ng Region IV-A sa Office of the Ombudsman dahil sa kanyang walang basehan ng paratang sa akin.
Kasalukuyan ko nang inaayos ang aking isasampang disbarment laban pa sa kanya sa Integrated Bar of the Philippines dahil naniniwala akong dudungisan lamang niya ang tinaguriang “noble profession”.
Alam n’yo, mga padrino ko, nagsampa ako ng tatlong kaso sa tanggapan nitong hindoropot na city prosecutor noong Hulyo, 2021.
Itinapon niya sa ibang tanggapan ang aking mga kaso at sinabi niya sa kanyang 1st Indorsement na hindi na tatanggap ang kanyang tanggapan ng ano mang reklamo ko o reklamo laban sa akin “who keeps on filing unfounded cases against our Prosecutors if he cannot get a favorable ruling’. Sus, ginoo!.
Malinaw na paninirang puri ang ginawa niya kasi sa 4 na kasong isinampa ko sa kanyang tanggapan mula 2018 na dinismis nila ay wala kahit isang kaso akong isinampa laban sa kanyang prosecutors.
Ang sabihing “who keeps of filing unfounded case” ay nangangahulugang higit sa dalawang kaso na ang aking isinampa kaya hinamon ko siyang magpakita lang ng isang kaso na isinampa ko laban sa kanyang tauhan ay i-atras ko ang tambak na kasong isinampa ko laban sa kanya.
Sigurado akong hindi niya maidedepensa ang kanyang sarili sa mga ikinaso ko at isasampa pa lang ng disbarment case sa IBP.
Masisibak na nga siya, e, makukulong pa!
Abangan!!!
****
Mag-ingat ang lahat ng senior citizens at persons with disability sa mga switik na restaurant.
Naging curious ako sa resibo ng isang sikat na restaurant kaya binasa kong maigi ang mga detalye lalo na ang pagbigay ng value added tax (VAT) exemption at 20 porsiyentong ipinag-uutos ng batas partikular na ang Republic Act No. 9994 at ang Implementing Rules and Regulations nito. Dalawang beses kaming kumain sa naturang lugar.
Dalawa kaming senior citizens ang kumain sa restaurant na ito at malinaw sa resibo na nakalagay na pinagkalooban kami ng senior citizen discount at ng VAT exemption.
Pero nang kwentahin ko ito base sa formula ng Department of Trade and Industry ay nadiskubre kong kulang ang diskwentong ipinagkaloob nila kaya ako nagsampa ng reklamo laban sa resto sa Office of the Provincial Prosecutor ng Bulacan.
Sa kanilang counter-affidavit ay inilagay nila ang kanilang kwenta kaya pinanindigan nila na tama ang senior citizens discount nila. At iyong isa ay napagkamalan daw ng kanilang kahera na take-out ang aming inorder kaya malaki ang kulang sa ibinigay na diskwento.
Samakatuwid, itinuturing nila na ang take-out ay hindi kabilang sa maaaring pagkalooban ng senior citizens discount. Tsk, tsk, tsk!
Malinaw sa batas na ang take-out-delivery at take-home ay kabilang sa 20% discount at VAT exemption. Sus, ginoo!
Dapat makulong ang mga hinayupak na negosyanteng ganire na hindi na nga sumusunod sa batas, e, nandadaya pa ng kanilang customers!
Ikulong!!!
****
Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com
