Flood control project palpak!

Ni NOEL ABUEL
Pagpapaliwanagin ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando S. Artes hinggil sa paulit-ulit na nangyayaring pagbaha tuwing umuulan.
Ayon kay Revilla, chairman ng Senate Committee on Public Works, ipatatawag nito sina Bonoan at Artes upang malaman ang ginagawa ng mga ito para masolusyunan ang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Nakakapikon na itong sitwasyon natin na sa tuwing uulan ay palagi na lang tayong baha, samantalang napakadaming proyekto at bilyun-bilyon ang ginagastos para masawata ang pagbaha, pero ganu’n pa rin at paulit-ulit. We must sit down and, once and for all, come up with workable and effective solutions,” ani Revilla.
“Ipapatawag natin si Sec. Bonoan at Chair Artes dahil dapat mabigyan ng sagot ang malaking katanungan nating lahat kung bakit sa kabila ng maraming taon na lumipas na sinasabi na may ginagawa ang dalawang ahensya tungkol sa baha, eh patuloy pa rin tayong binabaha,” giit pa ni Revilla.
Sinita ni Revilla ang dalawang ahensiya na tila hindi umano epektibo ang mga flood control programs na grabeng pinagkakagastusan mula sa pondo ng pamahalaan para sa naturang programa.
Ayon sa annual General Appropriations Act mula 2019 hanggang 2023, ang DPWH ay tumanggap na ng kabuuang P594.62 bilyong appropriation para sa kanilang flood control program habang ang MMDA ay tumanggap naman ng P6 bilyon.
“Taun-taon tayong naglalaan ng pondo sa dalawang ahensyang ito para solusyonan ang problema sa baha. Pero bakit hindi natin maramdaman? Saan ba nilalagak ang pondo sa programang ito kasi ‘yung baha, hindi naman nawawala tuwing umuulan. Sa totoo lang, lalo ngang tumataas ang baha na nararanasan natin,” paliwanag pa ni Revilla.
Idinagdag pa ni Revilla na dismayado umano ito sa DPWH at MMDA dahil sa palagi na lamang naglalabas ng press release sa tuwing lumulubog ang bansa sa baha.
“Hindi na paliwanag ang kailangan ng taumbayan, ang kailangan natin ay aksiyon, solusyon at hindi anesthesia para hindi maramdaman ng publiko ang hirap sa pagbaha dahil lamang sa hindi matukoy ang problema,” giit pa ni Revilla.
Noong nakaraang linggo, nanalasa ang bagyong Egay na tumama sa iba’tbibang bahagi ng bansa.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 2,397,336 indibidwal o 654,837 pamilya ang naapektuhan ng pag-ulan at umabot sa 425 ang insidente ng pagbaha maliban pa sa maraming lugar ang hindi madaanan dahil baha at pagguho ng lupa.
