
Ni NOEL ABUEL
Ipinahayag ni Senador Francis Tolentino na ang pagkakaroon ng joint disaster relief effort sa People’s Republic of China ay matatanggap ng Pilipinas sa gitna ng panukala para sa Manila at Beijing na magsagawa ng joint maritime patrols sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea. (WPS).
“Ang mas nakikita kong pupuwede sa ngayon—joint disaster team. Kasi po may tinatawag na HADR. Ito po ‘yung humanitarian assistance and disaster relief. Kung gusto nilang tumulong doon sa nabaha sa atin, payagan natin kasi mayroon naman pong U.N. resolution ito,” sabi ni Tolentino.
Tinukoy ni Tolentino ang United Nations Resolution Nos. 46-182 at 58-114 na parehong puno ng prinsipyo sa sangkatauhan, partiality, at kasarinlan.
“Kapag ‘yung humanitarian-disaster (efforts), kapag may relief—tayo nga nakapasok sa Turkey—pinapayagan naman iyon. Ang kundisyon ko lang, kapag tumulong sila sa relief at disaster assistance (dito sa Pilipinas), payagan din tayong pumasok sa China,” ani Tolentino.
Binigyan-diin ni Tolentino, vice chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, na mahirap para sa gobyerno ng Pilipinas na tanggapin ang panukala ng Beijing para sa pagsasagawa ng bilateral patrol sa WPS, kung isasaalang-alang na ang China ay hindi kaalyado sa kasunduan at ang Pilipinas ay walang umiiral na mutual defense treaty sa superpower ng Asya.
“Kung magkakaroon ng joint patrol (kasama ang China), dapat po ito maging bahagi ng isang tratado na may concurrence ang Senado,” ayon pa sa senador.
