
Ni NOEL ABUEL
Umaabot na sa P287 milyon ang naipamahagi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng Tingog party-list group sa mga residente ng Northern Luzon at Central Luzon na naapektuhan ng typhoon Egay.
Noong Linggo, si Speaker Romualdez at Tingog ay nagpadala ng kabuuang P287 milyon na cash assistance, relief goods, generators, at tulong pinansyal mula sa
Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ni Sec. Rex Gatchalian.
Kasama ni Speaker Romualdez sina Tingog Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre na nagsaayos ng pagpapalabas ng pondo ng AICS funds habang ang cash assistance at relief goods na nanggaling sa personal funds ng opisina ng Una.
“We hope the relief and financial aid we sent to our kababayan in the typhoon-stricken areas will help them recover from the calamity. It represents our commitment to assist our people in distress to the best extent we can,” sabi ng lider ng Kamara.
Sinabi naman ni Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada Jr., ng Office of Speaker, na sina Romualdez at Tingog party-list ay magiging katuwang ng administrasyong Marcos sa pagbibigay ng agarang tulong sa panahon ng mga kalamidad.
“Nakapaghatid na tayo ng tulong at patuloy tayong naghahatid ng tulong sa ibat-ibang mga distrito at probinsiyang nasalanta katulad ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan Valley, Benguet, Baguio City, Abra, Apayao, at Malolos City sa Bulacan. Nagsimula po tayo a day after
tumama ang bagyo doon sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Egay at malugod po nating ibinabalita na isa po tayo sa unang nagresponde, ang opisina ni Speaker Martin G. Romualdez at Tingog Party-list na may partnership sa private sector o groceries kung saan natin binili at binibili ang goods,” sabi ni Gabonada.
“Ang lider ng House of Representatives, si Speaker Martin Romualdez, nais niyang maging ligtas ang lahat at nandiyan lang po ang gobyerno natin, ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos para matugunan ang pangangailangan ng ating mga mamamayan, sama-sama po tayong
babangon muli,” dagdag nito.
Noong nakalipas na Biyernes, nagtungo si Romualdez sa Baguio City para mamahagi ng tulong sa mga naapektuhang pamilya sa lungsod ng Benguet.
Gayundin sa Abra, Apayao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan, Apayao, Pangasinan, Pampanga, at Malolos City in Bulacan ay nahatiran ng tulong.
Sinabi ni Romualdez sa mga residente ng Benguet at Baguio na batid nito ang sakit at paghihirap na pinagdadaanan ng mga apektadong pamilya dahil naranasan din ito noong ang super typhoon Yolanda ay nagdulot ng malawakang pagkawasak at pagkamatay ng marami sa Leyte at iba pang bahagi ng Eastern Visayas noong 2013.
Nabatid na sa kabila ng masamang panahon, nagtungo si Romualdez sa Baguio upang sundin ang pakiusap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tiyaking makakarating ang tulong sa mga komunidad na sinalanta ng bagyo.
“Nagpasya ako na pumunta ngayon dito sa utos na rin ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kadarating lang po namin mula sa Malaysia kagabi. Ang utos ng Pangulo: siguruhin na nakakarating ang
tulong ng gobyerno sa lahat ng naapektuhan ng bagyong Egay,” aniya.
