Solon sa DOH: Magpakalat ng gamot sa leptospirosis sa evacuation centers

Rep. Ray Reyes

Ni NOEL ABUEL

Hinimok ng isang kongresista ang Department of Health (DOH) na gawing madaling makuha ang mga anti-leptospirosis na gamot sa mga evacuation centers sa panahon ng tag-ulan.

Sinabi ni AnaKalusugan party list Rep. Ray T. Reyes na ang mga sakit tulad ng leptospirosis ay malamang na dumami sa panahon ng bagyo kung saan karaniwan ang pagbaha kung walang agad na gamot na maibibigay sa mga tinamaan ng nasabing sakit.

“Leptospirosis is a preventable disease. Sa mga panahong ganito na inaasahan ang pagbaha, sana readily available na ang prophylaxis para sa mga kababayan nating kailangang lumikas sa mga evacuation centers,” paliwanag ni Reyes.

Idinagdag pa ng kongresista na ang pagkakaroon ng gamot sa leptospirosis na madaling makuha sa mga evacuation centers ay isang proactive na diskarte sa pag-iwas sa pagkalat ng sakit sa panahon ng kalamidad.

“Hindi po biro ang sakit na leptospirosis at patuloy na tumataas ang bilang ng mga naaapektuhan nito. Prevention is better than cure and we hope that we can protect our kababayans from leptospirosis before it reaches an irreversible stage,” aniya pa.

Sa datos ng DOH, aabot na sa 1,582 kaso ng leptospirosis ang naitatala mula Enero 1 hanggang Hunyo 3 na 72 porsiyentong mas mataas sa 920 na naitala sa parehas na panahon noong nakaraang taon.

Sa datos naman ng Epidemiology Bureau ng DOH, tumaas din ang bilang ng mga namamatay dahil sa leptospirosis na may 161 na naitalang pagkamatay kumpara sa 135 noong nakaraang taon.

Samantala, pinapayuhan din ni Reyes ang mga naninirahan sa mga lugar na tinamaan kamakailan ng pagbaha na mag-ingat laban sa water and food-borne diseases, influenza-like illnesses, at dengue.

“Ibayong pag-iingat po sa lahat lalo na sa mga kababayan nating nasa evacuation centers. Ang mga sakit gaya ng ubo, sipon, at lagnat ay madaling maipasa lalo na kung magkakasama ang maraming tao sa iisang lugar,” ani Reyes.

Leave a comment