Southern ‘backdoor’ patuloy na ginagamit ng human traffickers — BI

Ni NERIO AGUAS

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) patuloy na nagagamit ng mga human trafficking syndicate ang Southern ‘backdoor” sa pambibiktima sa mga Filipino na nais magtrabaho sa ibang bansa.

Ito ang sinabi ni BI Norman Tansingco kasunod ng natanggap na ulat na ilang nasagip na biktima ng human trafficking ang nakalusot sa mahigpit na pag-iinspeksyon ng mga tauhan ng BI sa mga pantalan.

“Different modus operandi are being utilized by these traffickers, and at times this also includes taking small boats out of the country,” sabi nito.

Iginiit din ng opisyal ang kanyang babala sa mga naghahangad na manggagawa sa ibang bansa na huwag sumang-ayon sa ganitong mga pakana.

“Do not risk your life for the financial gain of these traffickers. They would offer you the moon, but in many cases, victims end up with nothing,” babala ng opisyal.

Kabilang sa mga nailigtas na overseas Filipino workers (OFWs) ay mula sa Cambodia, Malaysia, Thailand, at Myanmar.

Noong Hunyo, ang Department of Migrant Workers (DMW) ay nagbahagi ng impormasyon sa BI tungkol sa 4 na indibidwal na na-traffic sa ibang bansa, na gumamit ng backdoor route ng Sulu at Tawi-tawi patungong Semporna, Malaysia sa pagtatangkang maglakbay patungong Cambodia.

Pinangakuan umano ang mga ito na magtrabaho bilang customer service representative, ngunit binugbog umano sila at pinagbayad ng P65,000 nang ma-intercept sa Malaysia.

Isang indibiduwal din umano na nagprisinta sa mga biktima bilang immigration officer, ngunit napag-alamang hindi ito empleyado ng BI.

Ibinahagi din ng opisyal na noong Hulyo 14, may kabuuang 7 repatriated Filipinos ang dumating mula Bangkok, Thailand sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos ma-traffic para magtrabaho sa Myanmar at Thailand para sa mga scam company.

Nauna nang hinarang sa NAIA T3 ang isa sa mga biktimang babae, ngunit makalipas ang ilang linggo ay hinikayat ng kanyang recruiter na umalis sa Tawi-tawi sakay ng maliit na bangka.

Nanatili ito ng isang gabi sa Malaysia kasama ang isa pang biktimang na-traffic, pagkatapos ay lumipat sa isang speedboat sa Brunei, pagkatapos ay sa isang paliparan na papuntang Thailand.

Nagtrabaho ang mga ito bilang mga love scammers sa Mae Sot, at kailangang magbayad ng 300,000 baht para mapalaya ng kumpanya.

Ikinulong din ang mga ito ng mga awtoridad ng Thai bago ipinatapon sa Pilipinas.

Leave a comment