
NI MJ SULLIVAN
Inaasahang tuluyan nang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Falcon ngayong araw o bukas ng umaga ngunit paiigtingin pa rin nito ang epekto ng hanging habagat.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataang ang bagyong Falcon sa layong 925 km silangan hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas na hangin na nasa 175 km/h malapit sa gitan at pagbugso na nasa 215 km/h at kumikilos ng hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Nabatid na sakaling tuluyang lumabas ng PAR ang bagyong Falcon ay tatahakin nito ang hilagang silangan ng Itbayat, Batanes bago magtungo sa Okinawa Islands, Japan at posibleng maging super typhoon.
Sinabi pa ng PAGASA, na ang habagat ay hihilahin ng bagyong Falcon na magdudulot ng mga pag-ulan simula ngayong araw sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, gitna at katimugang bahagi ng Aurora, Pampanga, Bulacan, at Ilocos Region, Nueva Vizcaya, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas .
Wala namang nakikita ang PAGASA ng panibagong sama ng panahon sa PAR kung kaya’t makakaasa na tanging habagat lang ang makakaapekto sa bansa.
