National Youth Commission pinuna ng COA sa magastos na travel at SK summits

Ni NEILL ANTONIO

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang National Youth Commission (NYC) sa natuklasang malaking paggastos nito sa mga biyahe at SK summits.

Kabilang sa kinuwestiyon ng state auditors ang P31.4 milyong training expenses at P5.43 milyong domestic travel expenses ng NYC mula sa mamahaling hotel room reservations at hindi kumpletong dokumentasyon.

Base sa 2022 audit report, ang local travel expenses ng NYC ay tumaas ng 321 porsiyento mula P1.29 milyon noong 2021 ay naging P5.43 milyon noong 2022.

Sa kabilang banda, lumobo ng 575 porsiyento ang mga gastos sa pagsasanay sa parehong panahon mula P4.65 milyon hanggang P31.4 milyon.

“The validity and propriety of Training Expenses and Travelling Expenses-Local accounts of NYC amounting to P31,397,525.08 and P5,427,196.43 respectively, could not be ascertained due to lack of proper planning in the various activities of NYC,” ayon sa government auditors.

Pinaalalahanan ng audit team ang ahensya na ang Presidential Decree No. 1445 o ang Government Auditing Code of the Philippines ay nag-aatas sa lahat ng pampublikong tanggapan na ang lahat ng resources ng gobyerno ay dapat gastusin alinsunod sa mga batas at regulasyon at pangalagaan laban sa pagkawala o pag-aaksaya sa pamamagitan ng hindi wastong paggamit.

Sa ilalim ng parehong mga patakaran, ang responsibilidad na tiyakin ang pagsunod ay direktang nakasalalay sa pinuno ng ahensya ng gobyerno.

Kabilang sa kinuwestiyon ng COA ang seminars/trainings ng NYC ang Sangguniang Kabataan (SK) Summit sa Baguio City sa Newtown Plaza Hotel noong Abril 5 hanggang Abril 11, 2022 kung saan nag-reserve ito ng 1,105 attendees ngunit 940 lamang ang dumating.

Gayundin ang October 22 hanggang 28, 2022 na #OneVisayas SK Summit sa La Carmela de Boracay Hotel and Convention Center sa Boracay Island kung saan sa 700 reservations ay 676 lamang ang dumating.

Ang October 17 hanggang 31, 2022 SK Summit sa Whiterock Beach Hotel sa Subic, Zambales na sa 620 ang reservations subalit 484 lang ang dumating.

“Audit of the disbursements for conduct of various trainings, planning conference, and summits of NYC for CY 2022 revealed that the activities had meals/room/venue reservations more than the actual participants, thus incurring expenses in excess of reasonable limits totaling P1,280,288.40,” sabi ng COA.

Ipinaliwanag naman ng pamunuan ng NYC na ang ilang mga kalahok ay nabigo lamang na magpakita; nagkumpirma ang iba na darating sila ngunit hindi natuloy dahil sa personal na mga kadahilanan; ilan ang nagpasyang hindi pumunta pagkatapos masuri na positibo sa COVID-19; at ang iba ay nag-book ng sarili nilang matutuluyan dahil nagdala ng mga kasama.

Gayunpaman, sinabi ng state auditor na ang mga katwiran, bagama’t makatotohanan, ay hindi mapapatunayan dahil sa kakulangan ng patunay tulad ng mga medial records at mga sulat mula sa mga kalahok.

Gayundin, ipinunto ng COA na ang mga katulad na insidente ay napapailalim sa audit observation noong 2019 hanggang 2021 na nagpapahiwatig ng paulit-ulit na problema sa ahensya.

Leave a comment