Pagpasa sa DDR at Mandatory Evacuation Center Bill iginiit ng senador

Senador Christopher”Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na panahon nang maipasa ang panukalang Department of Disaster Resilience (DRD) bill at Mandatory Evacuation Center Bill dahil na rin na masamang epekto ng mga bagyong dumarating at nananalasa sa maraming lugar sa bansa.

Ginawa ng senador ang panawagan matapos na personal na puntahan ang lalawigan ng Cagayan at makita ang sinapit ng mga residente nito matapos manalasa ang bagyong Egay at ng hanging habagat.

Sinamantala ni Go ang pagbisita sa probinsya ng Cayagan para mamahagi ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha tulad ng grocery packs, vitamins, masks, at pagkain sa mahigit 1,000 biktima ng pagbaha.

Namahagi rin ito ng bisikleta, cell phone, sapatos, relos at basketball at volleyball para sa mga kabataan upang makatulong na mawala ang takot na dala ng pagbaha.

Nakasama ni Go sa pamamahagi ng tulong sina Governor Manuel Mamba, Santa Ana Vice Mayor Catherin Ladrido, Sta. Teresita Mayor Rodrigo de Gracia, Gonzaga Mayor Marylin Pentecostes at Allacapan Mayor Harry Florida.

Nagpasalamat naman si Mamba kay Go sa pagtulong sa mga kababayan nito na kailanman ay hindi nakakalimot na tumulong sa mga nangangailangan.

“Mula nang ako ay naging governor, tumutulong siya. Ngayon na tayo ay tinamaan ng bagyong Egay, nandito na naman an gating kaibigan, ang nagmamalasakit, Senator Bong Go. Maraming, maraming salamat sir sa inyong pagmamahal sa amin. Maraming salamat sa inyong tulong na binibigay sa amin,” sabi ni Mamba.

“Katulad ni Senator Bong Go, mula noong hanggang ngayon, hindi nagpapabaya sa atin. Huwag natin kalimutan na siya ang taong maaasahan natin anumang oras,” dagdag pa ng gobernador.

Namahagi rin ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbigay ng financial assistance sa mga apektadong pamilya habang ang Department of Agriculture (DA) ay nagbigay rin ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda para makabangon.

Leave a comment