Cagayan at Eastern Samar nilindol

NI MJ SULLIVAN

Niyanig ng malakas na paglindol ang probinsya ng Cagayan at ang lalawigan ng Eastern Samar, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa datos, ganap na alas-4:04 kahapon ng hapon nang maitala ang magnitude 5.3 na lindol sa layong 026 km hilagang silangan ng Dalupiri Island, Calayan, Cagayan.

May lalim itong 016 km at tectonic ang origin.

Naramdaman ang intensity II sa Pasuquin, Ilocos Norte at intensity 1 sa  Sinait, Ilocos Sur.

Habang sa instrumental intensities ay naitala ang intensity III sa Aparri, Cagayan; Intensity II sa Laoag City at Pasuquin, Ilocos Norte; Candon, Ilocos Sur at intensity I sa Batac, Ilocos Norte; Sinait, Ilocos Sur.

Samantala, sunud-sunod namang naramdaman ang paglindol sa Guiuan, Easters Samar kagabi.

Ganap na alas-10:48 ng gabi nang tumama ang magnitude 4.2 na lindol sa layong  040 km timog silangan ng Homonhon Island, Guiuan, Eastern Samar at may lalim na 014 km.

Nasundan ang paglindol dakong alas-12-54 ng madaling-araw sa nasabi ring lugar na naitala sa lakas na magnitude 2.1, at nasundan pa ng magnitude 2.6, magnitude 2.3.

Wala namang naitalang epekto ang nasabing paglindol.

Leave a comment