
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na nag-aksaya lamang ng malaking pera ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang flood control project na hindi naging epektibo kung kaya’t maraming lugar ang binaha.
Sa pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Villanueva na nanghihinayang ito sa P183 milyon na pondo ng DPWH ngayon taon dahil sa hindi naman ito nagamit para masolusyunan ang pagbaha ngayong panahon ng tag-ulan.
“Paano sasabihin na epektibo ang flood control program? P183M ang programa ng DPWH just this year. Mayroon bang sumusukat ng effectiveness ng flood control program? We are visited by more than 20 times a year ng bagyo, and just this one particular typhoon na nag-hit sa ating bansa, dito sa Bulacan, in my hometown alone, P700-P800 million ang damages na and still counting,” sabi nito.
Aniya, labis itong nalulungkot sa maraming lugar sa Bulacan ang lubog pa rin sa baha tulad na lamang sa bayan ng Paombong, Calumpit, at Hagonoy na lahat na barangay ang lubog sa baha at walang naitulong ang flood control project ng DPWH.
“Frustrating. I went to Paombong, Calumpit, Hagonoy, each of every town na pinuntahan ko, each of every barangay, all barangays are submerged in water. Frustration ko kahapon sa pag-ikot sa aking lalawigan, imagine ilang barangay dati napupuntahan ko at nagagamit na evacuation center, ngayon hindi na pwedeng gamitin kasi malalim na ang tubig,” sabi nito.
Maliban dito, nanghihinayang din aniya ito na malaki ang nawala sa kita ng mga residente ng Bulacan dahil sa maraming lugar ay lubog sa baha.
“Imagine, how many billion of pesos we are wasting every year of government funds. Kung hindi natin ia-address ito ‘yung economic opportunities baka di pa natin nasusukat ‘yun, ‘yung gustong magtrabaho di makapagtrabaho dahil sa baha, ‘yung gustong magtrabaho di makapagtrabaho dahil nagkasakit na pala ng leptospirosis,” ayon pa kay Villanueva.
Isa rin sa sinisisi ng senador ang pagpapakawala ng tubig ng National Irrigation Administration (NIA) sa pagbaha sa Bulacan.
Hinimok ni Villanueva ang mga kapwa nito senador na usisain ang mga plano at programa ng pamahalaan hinggil sa urban drainage system ng bansa at flood protection sa Metro Manila at iba pang mga lugar na madalas bahain.
Taong 2016 pa nang magsimulang manawagan si Villanueva sa DPWH, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at iba pang kinauukulang ahensya na gumawa ng mga programa para matugunan ang problema sa pagbaha subalit hanggang ngayon ay wala pa rin umanong nangyayaring solusyon dito.
