
Ni NOEL ABUEL
Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. na aaprubahan ng Kamara ang panukalang P5.768-trillion 2024 national budget bago ang pagbabakasyon ng Kongreso sa Oktubre.
Ginawa ni Romualdez ang katiyakan sa pormal na pagsusumite ng panukalang budget ng Pangulo sa Kamara sa mga seremonyang dinaluhan ng iba pang opisyal ng Kamara sa pangunguna nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe at mga miyembro ng Kamara at mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) sa pamumuno ni Sec. Amenah Pangandaman.
“Let me assure everyone that the House of the People understands full well the need to pass the national budget on time. The national budget is crucial in maintaining economic stability, sustaining the country’s growth trajectory and facilitating the seamless implementation of government programs and projects. As such, it demands the House’s utmost attention and commitment,” sabi ni Romualdez.
Sinabi nito na ang pondo para sa susunod na taon ay gagastusin nang tama.
“We will make sure that every centavo of the national budget will be spent wisely and contribute to our goal of reigniting the fires of our economic forges. Sisiguruhin namin dito sa Kongreso na lahat ng buwis na ibinayad ng ating mamamayan ay maibabalik sa kanila sa pamamagitan ng mga programa at proyekto ng gobyerno. Bawat pisong naidagdag sa kaban ng bayan, mapapakinabangan ng taumbayan,” pahayag pa ni Romualdez.
Nagpahayag ng kumpiyansa si Romualdez na sa pakikilahok at pakikipagtulungan ng kanyang mga kasamahan sa Kamara at opisyal ng DBM at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Aniya, susuriin ng Kamara ang mga paggagastusan ng nasabing mga pondo bago maipasa ang pambansang badyet na libre para sa 2024 bago ang unang recess sa Oktubre ng Kongreso.
“Dito nakasaad kung paano maibabalik sa taumbayan ang buwis na kanilang pinagpaguran, kasama ng iba pang revenue sources, sa pamamagitan ng mga importanteng proyekto, programa at serbisyong pangkaunlaran,” aniya pa.
Para sa susunod na taon, sinabi nitong prayoridad ng administrasyon ang food security; pagbabawas ng transport, mga gastos sa logistics at energy costs; pagkalugi sa pag-aaral; health and social protection; pagsasaayos ng bureaucratic efficiency: at sound fiscal management.
Sinabi ni Romualdez na ipinabatid sa kanya na kasama rin sa panukalang badyet ang mga pondo upang suportahan ang mga hakbangin sa climate change initiatives, pagbibigay-kapangyarihan sa lokal na pamahalaan at pagpapaunlad ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Pinuri ng pinuno ng Kamara si Pangulong Marcos sa pagsusumite ng kanyang panukalang badyet sa pamamagitan ng DBM walong araw lamang matapos ang pagsisimula ng ikalawang regular na sesyon ng Kongreso noong Lunes.
Binanggit nito na sa ilalim ng Saligang Batas, ang Pangulo ay may 30 araw mula sa pagbubukas ng bawat regular na sesyon para iharap sa Kongreso ang kanyang mungkahing taunang badyet, kabilang ang mga mapagkukunan ng pondo.
“Maraming salamat po sa pagbibigay sa amin ng sapat na panahon para pag-aralan ang proposal ng Executive Department. Dahil sa maagang pagtanggap ng 2024 budget proposal, asahan ninyo na magiging mabilis din ang aksyon ng Kongreso para maipasa ang budget sa lalong madaling panahon,” aniya.
Pinuri rin nito ang DBM dahil sa patuloy na pagbabago at pagmamalasakit nito sa kapaligiran.
“I was told that at the end of today’s event, interested parties need only to scan a QR code to view a copy of the entire 2024 National Expenditure Program (budget proposal). This is in addition to the copy of the proposed budget being available on the DBM website,” ayon pa kay Romualdez.
