Villar sa pamahalaan: Early detection ng breast cancer paigtingin

Rep. Camille Villar

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar sa gobyerno na paigtingin ang kanilang early detection programs at isulong ang mas madaling access sa preventive screening laban sa breast cancer para makapagligtas ng mga buhay.

Inihain ni Villar ang House Resolution 1023 na naglalayong mapataas ang breast cancer awareness sa gitna ng paglaganap ng pinakakaraniwang cancer sa mga kababaihan sa bansa.

“With the alarming growth of breast cancer cases in the Philippines, there is a need to strengthen dedicated programs against breast cancer, and to allocate adequate budgetary support for programs involving early detection in hospitals and at the local level,” sabi pa nito.

Base sa reports, aabot sa kabuuang 86,484 ang cancer cases sa Pilipinas kung saan kada taon ay naitatala ang 27,163 breast cancer cases.

Ang breast cancer din ang ikatlo sa tala na ikinasasawi ng isang Pinoy maliban sa lung at liver cancer kung saan nasa 9,926 na kababaihang ang nasasawi dahil sa nasabing sakit.

Ang Pilipinas ang may pinakamataas na rate ng breast cancer sa Asya at ang ikasiyam na pinakamataas sa mundo noong 2019, kung saan ang sakit ay kadalasang na-diagnose na nasa advanced stages na.

Bukod dito, tinatayang 70% ng mga kaso ng breast cancer ang nakakaapekto sa mga mahihirap na kababaihan, na ginagawang mas mahirap para sa kanila na labanan ang kinatatakutang sakit.

Napansin ng mga eksperto na ang mga programa sa maagang pagtuklas ay ang pinakamahusay na posibleng paraan para sa abot-kayang pangangalaga at upang labanan ang breast cancer.

“There is a seeming absence of comprehensive screening programs especially in far-flung areas, thereby depriving women to seek immediate early screening or medical help,” sabi pa ni Villar.

Nanawagan din si Villar sa kanyang mga kasamahan na magpasa ng hiwalay na panukala na naglalayong magtatag ng isang special assistance fund na nakatuon para sa mga pasyente ng kanser, partikular ang mga mahihirap na Pilipino na nangangailangan ng lahat ng suporta mula sa gobyerno.

Leave a comment