
Ni NOEL ABUEL
Mariing tinutulan ng isang kongresista ang banta ng Land Transportation Office (LTO) na pagmultahin ang mga may-ari ng sasakyan na mabibigong kuhanin ang license plate sa ahensya.
“Mag hunos-dili sana ang LTO. Ito’y kung totoo ang balita na nagbabalak itong pagmultahin ang mga may-ari ng mga sasakyang hindi pa kinukuha ang plaka mula sa ahensya,” panawagan ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph G. Recto.
Aniya, matagal na naghintay ang mga motorista na nabayaran na ng mga ito na para sa bagong plaka.
“Kay tagal hinintay ng mga motorista ang matagal nang bayad at pinakaaasam na mga plaka. Kaya konsidersyon ang dapat isukli at hindi ang pananakot na kung hindi agad makuha, may parusa na dagdag singil na naghihintay,” giit ng mambabatas.
“Kung hindi nainip ang mga motorista sa mahabang lamay, bakit magde-demand ng ora-oradang pagtubos ang LTO na tila ba wala silang kasalanan sa pagkakaburo ng mga plaka?” tanong nito sa LTO.
Sinabi pa ng kongresista na maraming sasakyan ang mahigit isang dekada na ang tanda at butas na ang pagkakabitan ng plaka subalit ang plaka ay wala pa maliban sa marami ring naibenta na.
“Kung tutuusin nga, LTO ang dapat magbigay ng interes bilang danyos perhuwisyo sa pagkabimbin ng isang mahalagang katibayan ng pag-a-ari ng isang behikulo,” sabi nito.
