Panukalang bawas 20% sa travel tax ng senior citizens inihain ni Sen. Estrada

Ni NOEL ABUEL

Inihain ni Senador Jinggoy Estrada ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng
20 porsiyentong diskuwento sa travel tax ang mga senior citizens sa buong bansa.

Ayon kay Estrada nais nitong pagaangin ang gastusin ng mga nakatatanda sa tuwing nanaisin nilang makapagbiyahe sa loob at labas ng bansa.

“Para sa mga kagaya ko na senior citizen na nais na makapag-travel sa iba’t ibang lugar, maging sa ibang bansa, malaking bagay kung may diskuwento sa mga gastusin nila lalung-lalo na sa mga binabayang buwis. Para sa mga ordinaryong senior citizens, ang matitipid nila ay maaari nilang ipantustos sa iba pa nilang mga bayarin,” paliwanag pa ni Estrada.

Nakapaloob sa Senate Bill No. 2379, layon nitong bigyan ang mga senior citizens ng 20 porsiyentong diskuwento sa travel taxes.

Kung maaaprubahan, papalawakin nito ang Section 4 sa ilalim ng Republic Act No. 7432 na kilala rin bilang “An Act to Maximize the Contribution of Senior Citizens to Nation Building, Grant Benefits and Special Privileges and for other purposes” o ang “Senior Citizens Act.”

Pangunahing pakay ng panukalang ito na gawing mas abot-kamay at kasaya-saya ang pagbihaye ng mga senior citizens at bawasan ang mga gastusin nila lalo na’t limitado na ang kanilang kakayahan sa pananalapi at karamihan sa kanila ay mga retirado na sa trabaho.

Sinabi ni Estrada na ang iminumungkahi nitong diskuwento ay naglalayon na hikayatin ang mga senior citizens na magbiyahe, tuklasin ang mga bagong lugar at maranasan ang iba’t ibang kultura na maaaring makaambag pa sa kanilang pangkalahatang kalidad ng buhay.

Binigyan-diin pa ng senador na ang paglalakbay ay nagpapalakas ng mga ugnayan at pakikilahok sa lipunan na mahalaga para sa mental at emosyonal na kapakanan ng mga senior citizens at sa kanilang patuloy na pakikilahok sa pambansang kaunlaran.

“Kung maisasabatas ito, hindi lang 20 percent at VAT exemptions sa room accommodations, discounts sa restaurants ang mapapakinabangan nila sa pagliliwaliw nila sa iba’t ibang sulok ng bansa,” sabi ni Estrada.

Leave a comment