Solon sa US Embassy: Sumunod sa proseso

Ni NOEL ABUEL

Pinayuhan ni Senador Sherwin Gatchalian ang US Embassy na tingnan muna ang lahat ng papeles at dokumento sa ginagawang reclamation projects sa Manila Bay bago magpahayag ng anumang reaksyon.

Ito ang sinabi ni Gatchalian kasunod ng ulat na naglabas ng pagkabahala ang US Embassy spokesperson Kanishka Gangopadhyay na kinuwestiyon ang pagkakaugnay ng Chinese firm sa ginagawang reclamation projects sa Manila.

“Ang payo ko sa kanila is look at the process. Ang embassy mahilig magturo ng proseso, rule of law they should abide by rule of law and the process,” sabi ni Gatchalian, sa Kapihan sa Manila Bay.

Sa ulat, nabanggit ang pangalan ng pamilya ni Gatchalian na counterpart ng China Communications Construction Co. (CCCC) sa nasabing proyekto.

Nabatid na nababahala ang US Embassy na sangkot ang CCCC sa proyekto sa kadahilanang inilagay ito ng US Department of Commerce’s Entity List dahil sa kasama ito sa nagtayo ng Chinese military at militarized sa artificial island sa West Philippine Sea.

Ayon sa senador, hindi aniya nito itinatanggi na konektado ang ama nito sa proyekto sa nasabing Chinese firm subalit wala umano itong kaugnayan dito.

“Hindi ko naman ipinagkakaila na ‘yung father ko is connected to that business. Ako personally hindi ako connected diyan, hindi ko nga alam ang mga activities but I know for a fact na itong mga reclamation project, ‘yan ‘yung sa likod ng Sofitel Plaza, ibang reclamation diyan lahat ‘yan dumaan ng proseso,” sabi ng senador.

“Lahat ‘yan ini-invite ang stakeholders kasama na ang LGU, kasama na ang NGO, negosyante, kasama na diyan ang embassy. So in other words, dumaan na sila sa masusing consultation process kaya sila binibigyan ng permit ng PRA at ng DENR if I’m not mistaken. So my point in the matter is, dumaan na ‘yan sa proseso unfair naman sa gumagawa nito na binigyan na sila ng permit tapos ngayon ka lang magrereklamo,” giit nito.

Ayon pa sa senador kung papansinin ang reklamo ng US sa proyekto ay hindi ito matatapos.

“Kasi kung ganyan, hindi talaga matatapos ‘yan. So ang punto ko lang, dumaan na sa proseso dapat respetuhin natin ang proseso. I don’t deny na connected ang father ko in that project. But personally I don’t meddle on that, wala na akong time,” pahayag pa nito.

Leave a comment