
NI NERIO AGUAS
Ipinagkaloob ng Department of Labor and Employment (DOLE-7) ang mahigit P173 milyon sa mga apektadong manggagawa sa ilalim ng programang Single Entry Approach (SEnA) sa unang anim na buwan ng taong kasalukuyan.
Ayon sa DOLE, nakinabang sa nasabing halaga ang 2,904 na manggagawa mula sa buong Central Visayas, para sa iba’t ibang monetary claims para sa kanilang underpayment sa sahod; maternity claim; at hindi pagbabayad ng 13th month pay, holiday pay, night shift differential, service incentive leave, at overtime pay, at sa iba pa.
Naitala ang pinakamalaking halaga noong Mayo na umabot sa P103.5 milyon na iginawad sa 1,136 manggagawa.
Samantala, pinangasiwaan din ng kagawaran ang pagbibigay ng mga monetary claim na P43.7 milyon sa 887 apektadong manggagawa noong Marso; P11.8 milyon sa 405 manggagawa noong Pebrero; P8.1 milyon sa 221 manggagawa noong Enero; P3.9 milyon sa 159 manggagawa noong Hunyo; at P1.7 milyon sa 96 manggagawa noong Abril.
Sinabi ni DOLE-7 Regional Director Lilia A. Estillore na ang positibong resulta ng SEnA, bilang alternatibong mekanismo sa pagresolba ng hindi pagkakaunawaan, ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang field offices ng DOLE-7.
Para sa unang semestre ng taon, pinangasiwaan ng DOLE-7 ang 1,379 requests for assistance (RFAs) na may 84.70% settlement rate at 97.75% disposition rate.
Pinasalamatan ni Estillore ang lahat ng Single Entry Assistance Desk Officers (SEADOs) sa kanilang pagsusumikap upang tiyakin na maisasaayos sa loob ng 30 araw o mas maaga sa itinakdang araw ng proseso ang lahat ng natanggap nilang kahilingan na tulong mula sa online SENA o sa mga kliyenteng nagpunta sa kanilang tanggapan.
Mula Enero hanggang Hulyo 2023, tumatagal lamang sa lima hanggang anim na araw ang pangangasiwa ng DOLE 7 sa mga hiling na tulong.
Hinimok naman ni DOLE-7 OIC-Assistant Regional Director Emmanuel Y. Ferrer ang mga manggagawa at employers na may mga suliranin ukol sa paggawa na pakinabangan nang husto ang SEnA, kung saan ang mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng employer at empleyado ay inaasahang maaayos sa loob ng 30 araw sa pamamagitan ng conciliation at mediation proceedings.
