Tulong ng SC sa Arbitral ruling magpapalakas sa claim ng PHL sa WPS—Sen. Escudero

(FB screenshot)

NI NOEL ABUEL

Iminungkahi ni Senador  Chiz Escudero sa administrasyong Marcos na maghain ng “Special Action for Recognition of Foreign Judgment” sa Supreme Court upang pormal na kilalanin ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa pinagtatalunang West Philippine Sea.

Nakapaloob sa Arbitral Ruling noong 2016 ay nagpatibay sa pag-angkin ng Pilipinas sa territorial claim nito sa WPS at pinagpapawalang-bisa ang nine-dash line ng China na inaangkin ang lahat ng kabuuan ng South China Sea.

Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Escudero na ang suhestiyon nito ay maaaring isa mga maging opsyon sa intensyon na nilalaman ng Senate Resolution 718, na kinokondena ang patuloy na pangha-harass ng  China sa mga mangingisdang Pinoy at sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea at hinimok ang pamahalaan na kumilos at gumawa ng aksyon para igiit ang  sovereign rights ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) nito.

Ayon pa sa senador, ang pagkilala ng High Court ng Arbitral Ruling ay maaaring maging isang mahusay na alternatibo sa halip na dalhin ang usapin sa United Nations General Assembly (UNGA), na tinukoy nitong disadvantages sa bansa.

“Mas nais ko sanang pag-aralan ng pamahalaan ang paghahain ng isang tinatawag nating ‘Special Action for Recognition of Foreign Judgment.’ Walang ganitong uri pa ng aksyon kaugnay sa arbitral ruling pero merong parallel o analogy ito sa Article 26 ng Family Code,” sabi pa ni Escudero.

“By analogy, ang pwedeng pag-aralan ng Office of the Solicitor General ay maghain ng petition sa Korte Suprema sa ‘recognition of foreign judgment. Kung may pasya na ang korte na kinikilala ang Arbitral Ruling dito sa ating bansa, iyan ay magiging bahagi na ng batas ng Pilipinas,” paliwanag pa nito.

Sinabi pa ng senador na ang pagkilala ng High Court, ang magbibigay proteksyon sa pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea at hindi ito mababaligtad ng susunod na administrasyon.

Binanggit din ni Escudero na bagama’t pinagtibay ng Senado ang Resolution 718 at iniharap sa Malacañang, sa huli ay tanging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang magdesesisyon kung anong direksyon ang tatahakin nito sa usapin ng foreign policy nito.

Ayon pa dito, dapat ding ipagpatuloy ng bansa ang paghahain ng diplomatic protests sa tuwing may pangha-harass ang China sa mga mangingisdang Pinoy sa WPS.

“Tatayuan natin at hindi natin bibitiwan ang ating karapatan at pagmamay-ari sa lugar na iyan habang hinahayaan natin magpatuloy ang iba’t ibang uri ng ugnayan at relasyon sa bansang Tsina na pinagkakasunduan naman ng dalawang bansa,” ani Escudero.

“We can agree to disagree on certain points but we can also move forward and cooperate on points that we have agreed upon, such as trade. For me this is the best way to approach the issue,” dagdag nito.

Leave a comment