

Ni NOEL ABUEL
Nagsanib pwersa ang tanggapan nila Senador Sonny Angara at Senate Majority Leader Joel Villanueva para sa paghatid ng tulong sa libu-libong pamilya na tinamaan ng matinding pagbaha sa malaking bahagi ng probinsya ng Bulacan.
Hindi inalintana ng mga tauhan ng dalawangbsenador ang mga baha at sinuyod ang mga barangay ng anim na bayan ng Bulacan na Hagonoy, Calumpit, Malolos, Bocaue, Balagtas at Guiguinto.
Kasama ang mga lokal na opisyal ng mga barangay at bayan, namahagi ang tanggapan nila Angara at Villanueva ng pagkain at iba pang mga ayuda na kailangan ng nga apektadong pamilya.
Ayon sa Provincial Risk Reduction and Management Council ng Bulacan, mahigit 228,000 na pamilya mula sa 17 barangay ang apektado ng pagbaha dulot ng magkasunod na bagyong Egay at Falcon at habagat na nagdala ng walang tigil na ulan sa loob ng mahigit dalawang lingo.
Dahil dito ay nakalagay na sa state of calamity ang buong probinsya ng Bulacan.
Ang napinsalang imprastraktura at agrikultura ay tinatayang nasa halos P600 milyon ayon sa pamahalaang lokal ng Bulacan.
“Kaawa-awa ang naging kalagayan ng mga kapatid natin sa Bulacan. Hindi tayo nagdalawang-isip na kumilos agad pagkatapos humingi ng tulong ang ating kaibigan na si Sen. Joel na taga-Bulacan. Ang dasal natin ay maagang makabalik sa kanilang normal na pamumuhay ang mga pamilyang apektado ng matinding pagbabaha,” pahayag ni Angara.
Nabatid na magmula nang binaha ang mga bayan ng Bulacan ay agad ng naghatid ng tulong ang tanggapan ni Villanueva sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Naghayag din ng suporta si Angara sa pahayag ni Villanueva na magkaroon ng masterplan para sa pag-resolba sa pagbabaha sa ibat-ibang parte ng Pilipinas.
“Dapat magkaroon tayo ng pangmatagalan at permanenteng solusyon sa pagbabaha lalo na sa mga lugar na malapit sa mga ilog, dike at dam. Malaki ang pinsalang hatid ng mga baha na ito sa agrikultura, hanapbuhay, negosyo, sa ating ekonomiya at lalo na sa mga apektadong pamilya na kadalasan at hindi lang ang bahay at kagamitan ang nawawala kundi pati na ang mga mahal sa buhay,” ani Angara.
